2 RAPE SUSPECTS NALAMBAT NG PNP-PRO5

NALAMBAT ang isang truck driver na suspek sa panggagahasa sa isang 3-anyos na babaeng paslit, at isang magsasaka na ilang ulit umanong gumahasa sa isang dalagita, sa ikinasang magkahiwalay na manhunt operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5.

Winakasan ng mga operatiba ng Naga City Police Office (NCPO) ang pagtatago sa batas ng suspek na kinilalang si Christian Clemente y Garia, 40-anyos, truck driver, binata, at residente ng Poblacion, Ragay, Camarines Sur.

Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib, base sa record ng pulisya, iniwan umano ng ina kay Clemente ang biktima upang magtrabaho ngunit sa kasamaang palad, sinamantala nito ang pagkakataon at ginahasa ang walang kamuwang-muwang na paslit.

Noong Miyerkoles ng hapon, nadakip si Clemente sa Zone 3, Suman St., Brgy. Balatas, Naga City sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong qualified rape na ibinaba ng RTC Branch 20, 5th Judicial Region, Naga City.

“Ang pagbibigay kasagutan at hustisya sa katulad nitong krimen ay isa sa listahan natin. Prayoridad natin na pangalagaan ang karapatan ng ating mga kababayan, nais nating tiyakin ang kanilang kaligtasan at protektahan sila laban sa kasamaan. ‘Wag po kayong mahihiya o matatakot na lumapit sa amin, bilang mga lingkod bayan, responsabilidad namin na kayo ay pagsilbihan sa abot ng aming makakaya,” ayon kay Bicol PNP Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo.

Sumunod na nadakip ng mga tauhan ni Estomo ang isang wanted person sa Mobo, Masbate na may kaso ng ilang ulit na panggagahasa sa isang dalagita, sa ikinasang manhunt operation ng Masbate Police Provincial Office at 94th SAC 9th SAB sa Brgy. Asid, Masbate City.

Kinilala ang suspek na si George Flores y Oas, 43-anyos, isang magsasaka at residente ng Purok 4, Brgy. Asid, Masbate City.

Ang nasabing suspek at tinaguriang rank 6 municipal most wanted person ng Mobo MPS.

Si Flores ang suspek sa paulit-ulit na pagmolestiya sa noon ay 15-anyos na dalagita. Sa pahayag ng biktima, Grade 8 pa lamang siya nang magsimula siyang galawin ng suspek hanggang noong Setyembre ng taong 2019 nang ito ay tuluyan nang mabisto.

Ang akusado ay inaresto sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ng RTC Branch 48, Masbate City noong Agosto 24, 2020 para sa naturang krimen. Ang korte ay walang inirekomendang pyansa para sa nasabing kaso.

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya na ng CIDG Masbate PFU para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. (JESSE KABEL)

119

Related posts

Leave a Comment