NADAKIP ang isang babaeng drug high value target sa pinaigting na anti-narcotics operation ng PNP Bicol, sa pangunguna ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (RPDEU5), sa isang videoke bar sa Purok 1, Barangay Masalong, Labo, Camarines.
Ayon sa ulat na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, isang lady floor manager na kinilalang si Rosemarie Sevillena Padolina, 33-anyos, ng nabangit na lugar, ang nadakip ng kanyang mga tauhan sa isinagawang buy-bust operation.
Nakuha mula kay Padolina ang isang pirasong selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu na itinulak nito sa umaktong poseur buyer ng PNP. Bukod dito, nakuha rin sa suspek ang isa pang plastik na naglalaman ng shabu na tinatayang sampung gramo.
Samantala, isa pang umano’y drug pusher ang nahuli ng mga tauhan ni Gen. Estomo sa isinagawang buy-bust operation ng Camarines Norte Police Provincial Office sa Purok 4, Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si Jonel Biso Alvarez, 27-anyos, tricycle driver at residente ng Purok 2, Barangay Calasgasan, ng nabanggit na bayan.
Nakuha mula sa suspek ang isang maliit na selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng shabu, bilang buy-bust item, at pitong iba pang maliliit na piraso ng selyadong pakete na naglalaman din ng shabu.
Ang madakip na mga drug personality ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Gen. Estomo ang mga operatibang nanguna sa operasyon na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek. Ayon sa kanya, ito ay patunay sa walang humpay na pagpupursige at determinasyon ng buong hanay ng PNP Bicol upang unti-unting bigyan ng tuldok ang problema sa droga sa Kabicolan.
Dagdag niya, bukod sa anti-criminality operations, mas pinalawig din ang koordinasyon sa publiko upang mapadali ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot lalo na sa mga kabataan na kadalasang nalilinlang sa paggamit nito. (JESSE KABEL)
