ISA na namang abogado ang hinihinalang nilikida ng mga hired killer makaraang pagbabarilin ng riding in tandem habang sakay ng kanyang kotse sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng Cebu City Police Office, agad nalagutan ng hininga ang biktimang si Atty. Rex Jose Mario Fernandez makaraang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat, sakay ng kanyang kotse ang 64-anyos na abogado ngunit pagsapit sa R. Duterte St. sa Barangay Guadalupe ay dinikitan ito ng mga suspek at saka ilang ulit na pinaputukan.
Hinihinalang biktima ng hired assassin ang human rights lawyer dahil halatang pinagplanuhan siya ng mga suspek, ayon kay Police Major Jonathan Dela Cerna, hepe ng Guadalupe Police Station.
Bukod kay Atty. Fernandez, sugatan din ang abogadong si Darvie Pondar, at kasalukuyang inoobserbahan sa Chong Hua Hospital bunsod ng tama ng bala sa likod.
Lumitaw sa nakuhang footage mula sa closed-circuit television sa lugar na isang lalaking naka-jacket ang bumaril sa biktima at matapos matiyak na patay na ang target ay mabilis na sumakay ito sa motorsiklo ng kanyang kasama.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kinalaman din sa kaso ang hidwaan ng biktima sa developer ng condominium na kanyang tinutuluyan, kaugnay sa hindi pagbabayad ng monthly association dues.
Nabatid na pinutulan ng supply ng tubig ng management ng condominium ang tinitirahan ng biktima kahit na mayroong injunction laban sa developer.
Noong Agosto 13, 2021 ay nakakuha ng atensyon sa media ang biktima nang magsagawa ito ng “hunger strike” at naglagay ng tent sa harap ng condominium sa Barangay Subangdaku, Mandaue City at inilabas ang hinaing sa Contempo Property Holdings Inc. kung saan sinabi nito na ang ginawang ito ng developer ay nagtatanggal ng karapatan nitong mabuhay.
Paliwanag naman ng developer na kaya sila naniningil ng mga bayad ay para sa operasyon ng nasabing kumpanya.
Nabatid na mula noong 2018 nang manirahan ang abogado sa condominium ay tinanong nito ang management hinggil sa condominium corporation dues na nagkakahalaga ng P90.00 per square meter o P3,240 kada buwan subalit hindi nagbigay ang management ng kanilang kadahilanan sa kanilang computation at mula noon ay hindi nagbayad pa si Fernandez. (JESSE KABEL)
