PAGBABAKUNA SA MGA GURO BILISAN – MARCOS

KAILANGANG bilisan ang pagbabakuna sa mga guro ngayong ilang araw na lamang at magbubukas na muli ang klase sa mga pampublikong paaralan.

Giit ito ni Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kaugnay ng nakatakdang school opening sa darating na Setyembre 13.

Ayon sa dating senador, dapat makabilang ang mga guro sa essential workers classification ng national vaccination program upang mapadali ang pagbabakuna sa kanila.

Naalarma si Marcos sa ulat na sa mahigit 900,000 teaching and non-teaching personnel ng Department of Education, 80,792 pa lamang sa mga ito ang nabigyan ng unang dose ng bakuna habang 53, 045 ang nakakumpleto na as of August 11.

“Malapit nang magbukas ang klase ngunit madami pa din sa ating mga guro ang hindi pa nababakunahan. Paano naman ‘yung mga naghahandle ng blended learning na regular na nakikiharap sa mga magulang para magdistribute ng modules? Kaya dapat maisama sila sa priority list,” aniya.

Binanggit din ni Marcos ang hinaing ng mga guro kaugnay ng kanilang delay na benefits and reimbursements bukod pa sa matinding pagod na inaabot sa dami ng ginagawang paper works at reports na kailangan aniyang agad matugunan upang makaagapay sila sa stress na dulot ng bagong sistema ng pagtuturo ngayong may pandemya.

“Delayed na mga benefits nila, sila pa ang sumasagot ng gastos para sa internet nila, at pati ‘yung reimbursements para sa pagpiprint ng modules, delayed pa rin. May mga pamilya rin silang kailangan suportahan at hindi naman kalakihan ang kanilang sweldo,” pahayag ni Marcos.

Base sa survey ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE Educ Movement), parehong nahaharap sa problema sa internet access at gastos ang mga estudyante at guro sa pampublikong paaralan.

Sa isa pang pag-aaral ng nasabing grupo, sa mga estudyante sa public school, lumabas na 14% ng respondents ang natuto sa ilalim ng bagong sistema ng pag-aaral, habang 66% hanggang 86% ang nagsabing kaunti ang kanilang natutunan sa online learning o blended learning, ayon sa pagkakasunod.

Nababahala si Marcos na maaaring maapektuhan ang kalidad ng edukasyon kung patuloy na hindi matutugunan ang mga problemang ito ngayong online at blended learning pa rin ang paraan ng pag-aaral dahil sa pananatili ng COVID-19.

“Paano naman sila makakapagturo nang maayos kung problema na nga nila ang unstable at mabagal na internet, ngarag pa sila sa dami ng reports at paper works na kumakain pati oras ng kanilang pahinga? Di pa sila nakakatanggap ng tamang benepisyo on time,” aniya.

Ayon sa ulat, bagaman halos dalawang linggo na lang at pasukan na naman, nasa 35.1% o 9,197,265 as of Aug. 26 ang mga naka-enroll kumpara sa 26,227,022 enrollees noong nakaraang taon.

“Kung hindi makapagtuturo nang maayos ang mga guro, hindi rin matututo nang maayos ang mga bata. Bakit pa nga naman gagastos ang mga magulang nila, lalo na ‘yung mga nawalan ng trabaho, para makapag-aral ang mga anak nila kung hindi rin lang sila matututo?” pagtatapos ni Marcos.

245

Related posts

Leave a Comment