NAKUMPLETO na ng Quezon City government ang kanilang distribusyon ng P2.48 bilyong financial assistance mula sa national government noong nakaraang Huwebes matapos magbigay ng limang araw na palugit sa deadline ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon, ‘as of August 28, may kabuuang 2,339,420 individuals o 747,520 pamilya ang nakakuha ng kanilang P1,000 to P4,000 aid mula sa iba’t ibang distribution centers sa siyudad.
Ang siyudad ay nagsimula na ring mamigay ng ayuda sa mga benepisyaryo na hindi pa nakakuha ang kanilang ECQ ayuda sa ibinigay sa kanilang schedule.
“Sa tulong ng city department, barangay, at law enforcers, nai-distribute natin agad ang ayuda para sa mga indigent nating mamamayan,” ani Mayor Joy Belmonte.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Belmonte na ang kanilang pamimigay ng cash aid ay nasunod ang minimum health and safety protocols sa pamamagitan ng paglimita ng bilang ng scheduled beneficiaries per day sa bawat site.
Kabilang sa individuals na kasama sa low-income families ang nakatanggap ng P1,000, habang ang bawat household ay nakatanggap ng maximum na P4,000.
Ayon kay Social Services Development Department (SSDD) head Fe Macale, ilang araw bago ipamigay ang distribusyon ng ayuda, ang siyudad ay nag-update na ng kanilang beneficiary list para maalis ang mga pagkakadoble.
“Kaya naging mabilis at maayos ang distribution natin ngayon kasi malinis na ‘yung listahan natin. Inayos natin ito para ma-update ‘yung listahan at mabigyan ang mga residenteng nararapat talagang mabigyan ng ayuda,” ani Macale.
Ang bawat payout site ay pinangangasiwaan ng validators mula sa barangay para sa ‘checking of documents, verifiers from SSDD, and paymasters from the City Treasurer’s Office (CTO)’.
Kasama rin sa tumulong ang Quezon City Police District, Department of Public Order and Safety (DPOS) at Task Force Disiplina sa bawat site para matiyak ang maayos na pamamahagi ng tulong pinansyal.
May mga nakatalaga ring grievance at appeals committee sa bawat payout site, pati na rin ang barangay halls para masagot ang mga reklamo ng mga residente kaugnay sa kanilang financial aid.
Base sa report ng SSDD, may 2,782 appeals o reklamo na natanggap ng grievance committees na nakatalaga sa payout sites.
Ang mga apela at reklamo ay inipon ng barangays para ipadala naman sa lokal na pamahalaan ng lungsod. (JOEL O. AMONGO)
182 