DAGDAG NA HONORARIA NG MGA GURO SA 2022 ELECTION, IKINAKASA

IKINAKASA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dagdag na honoraria ng public school teachers na magsisilbi sa 2022 elections dahil mas mahaba ang trabaho ng mga ito dahil sa pandemya.

Base sa House Resolution (HR) 2181 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara, inatasan din ng mga ito ang Commission on Election (Comelec) na ipatupad ang Section 4 ng Republic Act (RA) 10756 o Election Service Reform Act (ESRA) na nagsasabi na rebyuhin ang kompensasyon ng mga guro kada tatlong taon para itaas ang kompensasyon ng mga ito.

Inihain ng nasabing grupo ang resolusyon matapos sabihin ng Comelec na makatatanggap ng P6,000 ang mga guro na magsisilbi bilang chairman ng Election Boards; P5,000 sa mga miyembro ng Electoral Board; P4,000 sa supervisor officials, at P2,000 sa support staff bukod sa P1,000 travel allowances.

Gayunman, maliit umano ito kaya iminungkahi ng nasabing grupo na itaas sa P10,000 ang ibibigay sa Chairpersons of Electoral Boards, P9,000 sa Members of Electoral Boards, P8,000 sa DepEd Supervisor Officials at P7,000 sa support staff at karagdagang P3,000 hanggang P5,000 travel allowance at P2,500 food allowance.

Ipinaliwanag ng nasabing grupo na ang halagang ibibigay ng Comelec sa public school teachers na magsisilbi sa 2022 elections ay halagang kapareho sa tinanggap ng mga ito noong 2016 election na indikasyon na hindi ipinatutupad ng komisyon ang Section 4 ng nasabing batas.

Bukod dito, mas kailangan aniya ng mga guro ang dagdag na honoraria sa susunod na eleksyon dahil mas mabigat ang trabaho na gagawin ng public school teachers dahil mas marami ang inaasahang boboto.

Dose oras din umanong magtatrabaho ang public school teachers dahil sa plano ng komisyon na simulan ang halalan mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi bilang bahagi ng COVID-19 prevention sa mga presinto.

“A twelve-hour election day will mean that poll workers will have to undertake election duties for around 17 hours, considering that they fulfill tasks other than supervision of voting centers, such as transporting election paraphernalia. This must be outside their homes and level of activity will significantly increase the exposure of poll workers to the COVID-19 virus,” ayon pa sa resolusyon kaya nararapat na dagdagan ang honoraria ng mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

188

Related posts

Leave a Comment