Na-high blood dinala sa ospital PARAK NAGWALA NANG ‘DI IDINIRETSO SA ER

KINASUHAN ng two counts ng grave threat ang isang na-high blood na bagitong pulis matapos na umano’y pagbantaang babarilin ang nurse at security guard ng isang ospital sa Valenzuela City nang hindi siya idiretso sa emergency room.

Dinakip si Patrolman Angelo Abalos, 37, matapos na humingi ng tulong sa barangay at pulisya ang gwardyang si Gilbert Belmonte at nurse na si Simon De Galicia ng Valenzuela Emergency Hospital, na pinagbantaan umanong babarilin ni Abalos.

Nabatid, ala-1:00 ng madaling araw noong Linggo, Agosto 29, itinakbo si Abalos ng kanyang asawang si Maria Concepcion sa nasabing ospital dahil mataas ang presyon ng dugo ng pulis.

Inutusan ng gwardya ang noon ay may malay namang si Abalos na tumuloy sa Triage Area ng pagamutan kung saan inaalam kung sino sa mga pasyente ang pinakamalala ang kalagayan at dapat na unang gamutin.

Sa puntong ito, umusok umano ang bumbunan ni Abalos na nauna nang nagpakilalang pulis at sinabing “Kung hawak ko lang ang baril ko, binaril ko na kayo,” at dumiretso sa emergency room ng ospital kung saan ang nurse naman ang kanyang pinagbantaan.

Nang unang dumating ang mga barangay tanod at pulis ay hindi muna hinuli si Abalos dahil ginagamot na ito ngunit alas-10:00 ng umaga noon ding Linggo ay inaresto na ito at dinala sa Station Investigation Unit ng Valenzuela Police. (ALAIN AJERO) 

159

Related posts

Leave a Comment