IAASA lang sa utang ang pondo para sa booster shots o third shot ng COVID-19 vaccines ng mga Filipino upang magkaroon ang mga ito ng pangmatagalang proteksyon laban sa nasabing virus.
Ito ang lumabas sa budget briefing ng Department of Health (DOH) sa House Committee on Health kahapon matapos uriratin ng mga kongresista ang ahensya kung bakit walang regular fund sa bakuna sa susunod na taon.
“Mayroon po tayo under unprogrammed funds,” ani DOH Secretary Francisco Duque III, na nagkakahalaga ng P45 billion subalit desisyon aniya ng DBM na ilagay ito sa unprogrammed funds.
“We initially proposed about P104-billion thereabouts, but DBM put it under unprogrammed funds ‘yung P45-billion, I mean to understand that this is going to be for booster doses,” dagdag pa ng kalihim.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Mario Villaverde, manggagaling ang pondo sa utang ng gobyerno kaya marahil hindi ito isinama sa programed funds o may kasiguraduhang pondo.
“For next year po kasi itong loan natin will cover the first and second doses for certain types of vaccines and a single dose for Johnson and Johnson. For next year, nag-propose po, in case magkaroon ng decision ang technical side na magkakaroon ng booster, pero ‘yun po nilagay ng DBM under unprogrammed so ‘yun po ang alam kong decision doon,” paliwanag ni Villaverde.
Ang gobyerno ay umutang sa iba’t ibang international financial institution tulad ng World Bank (WB) ng $4 billion o katumbas ng P200 billion para tugunan ang problema sa COVID-19.
Kasama ang utang na ito sa mahigit $19 billion na inutang ng gobyerno mula noong 2020 nang pumutok ang COVID-19 kung saan galing umano dito ang P70 billion na ipinambili ng COVID-19 vaccines.
Nais ng mga mambabatas sa Kamara na ilipat sa programmed funds ang P45 billion para sa booster shots upang masiguro ang pondo sa susunod na taon kahit hindi umutang ang gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)
148 