MULING nakapagtala ng 21 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area, batay sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Mula sa 1,255 total deaths noong Agosto 28, umakyat sa 1,270 ang bilang ng mga namatay sa COVID sa Caloocan City hanggang 5 pm noong Agosto 31 o karagdagang 15 casualties, habang 2,564 naman ang active cases. Pumalo na sa 46,488 ang total confirmed cases sa siyudad at 42,654 naman ang total recoveries.
Apat na COVID patients naman ang binawian ng buhay sa Valenzuela City noong Agosto 31, habang 1,530 ang active cases matapos na 275 ang gumaling ngunit 321 naman ang nagpositibo sa virus. Umakyat na sa 27,173 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa naturang bilang ay 25,007 na ang nakarekober at 636 ang namatay.
Dalawa naman ang binawian ng buhay sa pandemya sa Navotas City at 1,695 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Agosto 30 makaraang 33 ang gumaling at 138 naman ang nahawaan. Sumampa na sa 14,672 ang total COVID cases sa fishing capital, at dito ay 12,536 na ang gumaling habang 441 ang namatay.
Walang naitalang iginupo ng pandemya sa Malabon City noong Agosto 31 at nananatiling 552 ang COVID death toll ng lungsod ngunit 126 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing araw. Sa kabuuan ay 17,228 ang positive cases sa Malabon, 1,015 dito ang active cases. Habang 127 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 15,661 ang recovered patients ng siyudad. (ALAIN AJERO)
162 