HINDI lumusot kay Philippine National Police director general Guillermo Eleazar ang depensang “nanlaban” ng 15 pulis na sangkot sa isang pekeng anti-illegal drug operation kunsaan anim katao ang patay sa lalawigan ng Bulacan.
Bunsod nito, sibak sa serbisyo ang mga operatibang bahagi ng aniya’y fabricated rug operations nito lamang Pebrero. Sa 15 sinibak na pulis, pito ang nahaharap din sa kasong multiple murder at arbitrary detention ng magkakaibigang napatay sa aniya’y gawa-gawang kwentong “nanlaban.”
Ayon kay Eleazar, buwan pa ng Hunyo nang ibinaba ang desisyon na alisin na sa serbisyo ang pitong pulis. Katunayan aniya, siya mismo ang pumirma sa desisyong tanggalin na sa kanilang hanay ang mga sangkot na operatiba.
“Ako mismo ang pumirma ng desisyon na tanggalin sa serbisyo ang mga pulis na ito matapos mapatunayan sa aming imbestigasyon na sila ay nagtanim ng droga at baril para palabasin na ang nangyari sa Bulacan ay isang lehitimong operasyon,” ani Eleazar.
“Hindi katanggap-tanggap! Hindi ko kukunsintihin ang mga ganitong uri ng pang-aabuso at kalokohan dahil ang mga katulad nila ang sumisira sa aming kampanya laban sa droga at sa pangalan ng inyong Philippine National Police,” dagdag pa ng heneral.
Sa inilabas na resolution, nirekomenda ng investigating panel ang paghahain ng six counts of murder at six counts of arbitrary detention laban kina Police Staff Sergeants Benjie Enconado at Irwin Joy Yuson; Police Corporals Marlon Martus, Edmund Catubay Jr., Harvy Albino, at Herbert Hernandez; at Patrolman Rusco Madla.
Dinismis naman ng piskalya ang asuntong murder at arbitrary detention laban sa nalalabi pang sangkot sa nasabing pekeng drug sting.
Sa pagsisiyasat ng Internal Affairs Service, lumalabas na nagkataon lamang ang pagdaan ng anim na magkakaibigang biktima kung saan nagsasagawa ang mga pulis ng anti-narcotics operation nitong nakalipas na Pebrero 13.
Agad umano silang dinakip at dinala sila sa presinto kung saan sila iginapos at ipinasok sa selda nang walang anumang pagtatala sa police blotter book.
Makalipas ang limang araw ay dinala umano ang magkakaibigan sa isang liblib na lugar sa Barangay Gaya-Gaya sa San Jose del Monte City kung saan sila binaril – at pinalabas na nanlabang drug personalities.
Sa kaugnay na balita, pinatawan naman ng anim na buwang suspension si Lt. Col. Gil Domingo na hepe ng San Jose del Monte local police noong nangyari ang nasabing insidente.
“Gaya ng lagi nating sinasabi, umiiral ang sistema ng hustisya sa ating bansa at ang rekomendasyon ng Department of Justice na sampahan ng kasong murder ang pitong pulis sa pagkamatay ng anim na katao sa Bulacan, kabilang ang aming desisyon na tanggalin silang lahat sa serbisyo, ay isa na namang patunay dito,” pagtatapos ni Eleazar. (JESSE KABEL)
294 