ITINANGGI ng Malakanyang na bumili ang administrasyong Duterte ng “overpriced” na personal protective equipment (PPE) na nagkakahalaga ng P1,700 kada isa sa gitna ng pandemya.
Isiniwalat ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang Aquino administration ang bumili ng PPEs sa mas mataas na halaga.
Tugon ito ni Sec. Roque sa P8.6 bilyong halaga ng face mask, face shield at PPEs na binili ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic mula sa isang maliit na kompanya na Pharmally na nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ngayon ng mga senador.
Bumili naman aniya ang Aquino administration ng PPEs na nagkakahalaga ng P3,000 kada isa noong 2015 at 2016.
“Senator [Franklin] Drilon, bakit hindi mo tanungin ang mga kakampi mo,” ayon kay Sec. Roque.
“Merong kumita, pero hindi sa administrasyon,” dagdag na pahayag nito.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado kung bakit ang Pharmally, na mayroong paid-up capital na nagkakahalaga ng P625,000, ang nakasungkit ng bilyong halaga ng kontrata ng pamahalaan na may kinalaman sa pandemic supplies.
Noong nakaraang linggo sa Senate hearing ay ipinapanood ni Senador Richard Gordon ang isang RTVM footage na nagpapakita na ang Chinese businessman na si Michael Yang at Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagkaroon ng miting sa Pharmally officials. Si Yang ay dating presidential adviser on economic affairs.
Nitong nakaraang Martes ay ipinagtanggol naman ni Pangulong Duterte si Yang sabay sabing hindi siya kumuha o tumanggap ng kahit isang kusing mula sa Chinese businessman. (CHRISTIAN DALE)
179 