IKINASA ni Senador Grace Poe ang pag-apruba ng Senado sa Philippine Veterans Bank Act sa ilalim ng Senate Bill No. 2368 na nagtatakda sa pagrerebisa ng charter ng Philippine Veterans Bank (PVB) upang isama ang mga beterano at sundalo pagkatapos ng World War II.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na nilagdaan ng 15 senador ang Committee Report No. 288 na nagbabago sa lumang charter at kikilalanin ang kalagayan ng PVB bilang private commercial bank.
“Kailangan matiyak natin ang kakayahang tumindig ng bangko kabilang ang patuloy na kontribusyon para sa kagalingan ng ating beterano,” ayon kay Poe, tagapangulo ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.
Isinaayos ng panukala ang instrukturang panloob at kapangyarihan ng bangko alinsunod sa Revised Corporation Code, General Banking Act, at iba pang mahahalagang batas at regulasyon.
Itinatag ang PVB noong 1963 sa ilalim ng Republic Act 3518 at muling nabago noong 1992 sa ilalim ng Republic Act 7169.
Nagtakda rin sa panukala na pagtataas ng kapitalisasyon ng bangko mula sa P100 milyon tungo sa P10 bilyon upang umangkop sa pamumuhunan na itinakdang minimum level ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa private commercial banks. (ESTONG REYES)
168 