Digong tinabla sa Senado PAGKALKAL SA GO-LAO-YANG ‘DEALS’ TULOY

HINDI nagpatinag ang Senado sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tigilan na ang pagbusisi sa kontrobersyal na Commission on Audit (COA) report sa pondo ng Department of Health (DOH) at sa tongpats sa medical supplies.

Ang nasabing usapin ang kumaladkad sa pangalan nina Senador Bong Go, dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at ex-economic adviser Michael Yang.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na hindi mapipigilan kahit ni Pangulong Duterte ang imbestigasyon na isinasagawa ng Senado.

“The Senate is composed of 24 republics. We ourselves cannot impose on each other. While we always respect the decision of the majority, we also make sure that we follow our individual convictions and beliefs, based on conscience,” sabi ni Lacson.

Dagdag pa nito na kahit Pangulo pa ng bansa si Duterte ay hindi nito maaaring maimpluwensyahan ang Senado sa ginagawa ng mga itong trabaho lalo na at may kaugnayan sa korapsyon sa pondo ng taumbayan.

“I cannot see how anybody, even if he is the President of our country, can influence us especially on an issue involving public funds and most especially in the middle of a pandemic,” aniya pa.

Sinabi pa ni Lacson na sa loob ng 18-taon na panunungkulan nito sa Senado ay ngayon lamang nito nakitang mismong pangulo ng bansa ang pumipigil sa trabaho ng mga senador.

“At least that is as far as I see in my almost 18-years as a Senator of the Republic,” ayon pa kay Lacson.

Hindi overpriced

Sa kanyang Talk to the People, Huwebes ng gabi, muling pinanindigan ni Pangulong Duterte na hindi overpriced ang mga biniling COVID-19 supplies ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).

Todo-depensa ang pangulo sa ginawang pagbili ng gobyerno ng personal protective equipment, face shield at face mask na hayagang kinuwestiyon ng mga mambabatas.

“Were the purchases of masks overpriced, ‘yon ang tanong. Ang sagot is no, they are not. DBM PS procured the surgical masks below the DOH, DTI suggested retail prices during that time. Mas mababa sa suggested prices ng DOH pati DTI,” ayon sa pangulo.

“And whether there’s a high demand for the same, it is not accurate to compare the purchase price of surgical masks at the height of COVID-19 and during the period when the supply of surgical masks began to stabilize,” dagdag na pahayag nito.

Aniya, kailangan maghanap ang pamahalaan ng gadgets, personal protective equipment at masks kahit pa saan dahil walang suplay noong panahon ng kasagsagan ng health crisis.

Binanggit din ng pangulo na mas mahal ang biniling PPEs sa ilalim ng Aquino administration kumpara sa mga binili ngayong PPEs ng PS-DBM.

“The Aquino government bought PPEs at P3,500, way more expensive than what you bought,” diing pahayag ng punong ehekutibo.

Wanted sa Taiwan

Nauna nang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na wanted sa Taiwan ang mga negosyante sa likod ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na siyang kinontrata sa pagbili ng mga kinukwesyong PPE.

Mayroon lamang umanong paid-up capital na nagkakahalaga ng P625,000 ang Pharmally, batay na rin sa dokumentong nakalap mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ani Hontiveros, naging bentahe ng mga kapitalista sa likod ng Pharmally ang kaugnayan nito kay Pangulong Duterte para makuha ang dalawang pinakamalaking kontrata mula sa Procurement Services Office na noo’y pinamumunuan ni Lao.

Si Lao ay sinasabing konektado kay Senador Go dahil minsan itong nagsilbi sa ilalim ng kanyang tanggapan.

Aniya, tumataginting na P8.7M halaga ng kontrata ang nasungkit ng kompanyang pinamumunuan ni Huang Tzu Yen bilang Chief Executive Officer at amang si Huang Wen-Lai bilang chairman of the board, na kapwa may mga warrant of arrest kaugnay ng kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ng gobyerno ng Taiwan. (NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE)

134

Related posts

Leave a Comment