PINAHAHARAP ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. sa imbestigasyon ng Senado upang depensahan ang sinasabing P10 billion supply deals sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).
Nagtataka si Drilon kung bakit hindi pa humaharap sa imbestigasyon ng Senado ang mga opisyal ng Pharmally.
Sinabi ni Drilon na nagpalabas na ang Senate Blue Ribbon Committee ng subpoena laban sa mga opisyal ng kumpanya subalit hindi matagpuan ang address na nakalagay sa kanilang Securities and Exchange Commission registration.
Iginiit ng senador na maaari namang mag-boluntaryo ang mga opisyal ng kumpanya para magpaliwanag kung wala silang itinatago.
Kabilang sa sinubukang ipatawag ng kumite sina Huan Tzu Yen, chief executive officer ng Pharmally; Twinkle Dargani, president; at Mohit Dargani, treasurer.
Sinabi ni Drilon na nasa P8 bilyong kontrata ang nakuha ng Pharmally sa PS-DBM noong 2020 na posibleng isa lamang sa mga posibleng iregularidad na kinasasangkutan nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
169 