Dismayado sa kapalpakan, korapsyon sa Duterte admin OBRERO, HCWs SANIB-PWERSA SA PROTESTA

TULUYAN nang binawi ng dalawang pinakamalaking sektor ng lipunan ang suportang ibinigay nito noong taong 2016 kina Pangulong Rodrigo Duterte at maging sa anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bunsod ng umano’y napipintong pagguho ng healthcare system sa bansa sa gitna ng patuloy na paglobo ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit.

Sa pinag-isang pahayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Medical Action Group (MAG), tinuligsa rin ang anila’y pagpapalusot ng administrasyon sa dinaranas na panibagong virus surge sa bansa, kasabay ng pasaring na kapwa mahinang klaseng lider ang Pangulo at ang nakababatang Duterte.

Pag-amin ng TUCP at MAG na kapwa nagpahiwatig ng paglahok sa kabi-kabilang kilos protesta laban sa administrasyong Duterte, bagamat dama ng buong mundo ang dagok ng pandemya, hindi angkop na gamitin itong alibi ng dikit-dikit na kapalpakan at katiwalian lalo pa’t buhay ng mga tao ang nakasalalay sa bawat hakbang ng gobyerno.

Partikular na tinukoy ng mga nasabing organisasyon ang anila’y katiwaliang bumabalot sa pondong nakalaan para sa ayuda at pambili ng medical supplies. Giit nila, hindi nakararating sa tao ang nararapat na tulong at serbisyo dala na rin ng korapsyon at kapabayaan ng administrasyon.

“Eto ang problema ngayon. Kulang na nga ng ayuda, marami ang walang trabaho, may trabaho man pero underemployed, kulang ang sahod, kulang ang oras ng pagtatrabaho. Nung nag-lockdown, kulang ang ayuda, hindi sapat. Iba-iba, magkakaiba ang listahan ng DSWD, LGU at barangay. Ang daming issues, maraming challenges para sa mga manggagawa lalong-lalo na sa panahon ngayon – ang ating gobyerno especially yung nasa executive department at sa Senado, nagkakagulo. Hindi sila magkasundo,” paliwanag ni TUCP Spokesperson Allan Tanjusay.

Ayon kay Tanjusay, “dissatisfied” ang marami sa hanay ng manggagawa sa Duterte administration.

Lubos naman ang pagkadismaya ni MAG Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana sa dinaranas na ikatlong COVID-19 surge. Higit pa aniyang nakakabahala ay ang 22,000 daily cases na posible umanong maging dahilan ng tuluyang pagguho ng healthcare system sa bansa lalo pa’t napipinto ang mass resignation ng mga health workers na direktang kumakalinga sa dumaraming pasyente.

“Napaka-ironic, tayo na bansang kilala sa buong mundo bilang highest or the biggest supplier of nurses in the world and second biggest supplier of doctors in the world ay nagsa-suffer ngayon sa kakulangan.”

Hindi rin niya pinalampas ang pagkakataong birahin ang matandang Duterte matapos nitong ipag-utos ang pagsasantabi ng bidding process sa pagbili ng bilyong-pisong halaga ng medical supplies mula sa kumpanyang pinaniniwalaang sadyang inirehistro ng ilang kaalyado para masungkit ang hindi bababa sa P10-bilyong halaga ng kontrata.

Ang hindi umano maunawaan ni Dr. Fajutagana ay kung bakit hindi maibigay ng administrasyon ang benepisyong sadyang laan para sa health workers.

“Bakit nade-delay ito samantalang sa isang click lang ng finger ni President Duterte ay narelease yung bilyones para sa isang purchase ng PPE na inamin mismo Presidente Duterte walang bidding dahil siya mismo ang nag-order. Ibig sabihin kung kaya niyang gawin yun, ganun lang pero bakit hindi magawa para sa ating health frontliners” ani Fajutagana.

Bunsod nito, nakatakda namang magsama-sama ang iba’t ibang trade union workers para wakasan na ang Duterte era sa napipintong pagsabak ni Mayor Sara sa 2022 presidential election. (FERNAN ANGELES)

122

Related posts

Leave a Comment