Ni JOEL O. AMONGO
HINDI naging sagabal para sa Bureau of Customs (BOC) ang umiiral na paghihigpit ng gobyerno kaugnay ng patuloy na banta ng pandemya makaraang magtala ito ng koleksyong higit pa na target ng kawanihan.
Para sa buwan ng Agosto, pumalo sa P54.050 bilyon ang pumasok na kita ng BOC – halos isang bilyon o katumbas na 1.86% na mas mataas kaysa sa August 2021 collection target na P53.061 bilyon.
Batay sa mga datos ng nasabing ahensya, lumalabas na mula ng Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon, walang patid nitong nasasapul at nalalagpasan ang target nitong kita mula sa buwis at taripang ibinabayad para sa pagpasok at paglabas ng kalakal sa bansa.
Gayunpaman, hindi lahat ng BOC ports ay naabot ang target collection. Base sa ulat ng BOC Financial Service, anim lamang sa 17 Collection
Districts ang nakaabot sa kanilang target, na kinabibilangan ng mga ports ng San Fernando, Manila, Surigao, Davao, Clark at Limay.
Sa kasalukuyan ang Bureau of Customs ay nakalikom ng P412.964 bilyon simula Enero, na sumasalamin ng 67% ng P616.749 bilyong collection target para sa kasalukuyang taon.
Sa isang pahayag, kumpiyansa ang nasabing kawanihan na malaki ang magiging koleksyon ng kanilang ahensya sa nalalabing apat ng buwan ng 2021. Anila inaasahan din nilang higit pa sa taunang target ang kanilang maipapasok na salapi sa kaban ng bayan.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga kawani ng BOC para sa kanilang positive revenue collection performance bunsod ng katapatan at sigasig at sistematikong prosesong pinaiiral sa aspeto ng koleksyon – sa kabila pa ng nakaambang panganib sa kalusugan dala ng paglaganap ng nakamamatay na sakit sa bansa.
173 