WALANG bahid ng aberya na ini-release ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang pinakahuling shipments na naglalaman ng tinatayang 840,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines na dumating sa bansa.
Sa datos ng BOC-Port of NAIA, naging mabilis at sistematiko ang pagpo-proseso ng dalawang magkahiwalay na shipments ng bakuna mula pa sa Estados Unidos – 651,500 doses na dumating noong unang araw ng buwan ng Setyembre at 188,370 jabs na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng sumunod na araw.
Ang unang vaccine importation ay dumating dakong alas-9:20 ng gabi noong Setyembre 1 sa NAIA Terminal 3 via Flight No. LD457 at isinailalim sa advance clearance process noong Agusto 31 sa pamamagitan ng One-Stop-Shop ng Customs NAIA sa hangaring mapabilis ang pagre-release ng mga nasabing kargamentong kailangan ng gobyerno sa patuloy na isinasagawang national vaccination program kontra COVID-19.
Sinalubong naman nina National Task Force (NTF) vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Department of Health (DOH) Supply Chain Management Service Director Dr. Ariel Valencia, at Chargé d’Affaires John Law mula US Embassy ang nasabing pagdating ng mga bakuna.
Bantay sarado naman ng BOC-NAIA CoVax Special Handling Task Force at iba pang enforcement agencies ang mga dumating na vaccine supply hanggang maihatid ang mga ito sa Pharmaserv Cold Storage Facility at Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City.
Karagdagang 188,370 doses ng Pfizer ang dumating noong Setyembre 2, 2021 via DHL Express Flight LD 456 dakong alas-10:00 ng gabi sa nabanggit na paliparan ng bansa.
Sa kabuuan, mayroon nang 88 shipments ng bakunang dumating sa bansa ang mabilis na pinroseso ng BOC mula pa Enero ng kasalukuyang taon.
Kabilang dito ang 29.5M doses ng bakunang Sinovac mula sa bansang Tsina, 8.43M doses ng AstraZeneca vaccines, 5.84M doses ng Pfizer, 4.30M ng Moderna, 3.24M ng Johnson & Johnson, 1M doses ng Sinopharm, 380,000 doses Sputnik V at 100,000 doses ng Hayat-Vax.
Pagtitiyak ng BOC, hindi lamang proseso ng mga dumarating na bakuna ang kanilang pinapaspasan. Pasok din sa kanilang advanced clearing system ang 16,015 shipments ng Personal Protective Equipment (PPE) tulad ng facemasks, face shields, test kits, at ibat-ibang medical equipment.
Sa isang pahayag, ginarantiyahan naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na patuloy nilang pagbubutihin ang kanilang pagganap sa mandato, kasabay ng papuri kay BOC-NAIA district collector Carmelita Talusan para sa maagap nitong pagpoproseso ng mga medical supplies na higit na kailangang iprayoridad ng nasabing tanggapan bilang bahagi ng laban ng pamahalaan kontra pandemya.
130 