SANA ALL MAY HIYA

LUBOS na inggit ang nadama ng mga Pilipino sa bansang Japan matapos umere ang balita hinggil sa pagbibitiw ni Prime Minister Yoshihide Suga kaugnay sa kabiguan nitong tugunan nang angkop ang kinakaharap na problemang dulot ng patuloy na banta ng pandemya.

Pag-amin ni Suga, bigo siya sa inaasahan ng kanyang mga kababayan. Kaya naman pasya niya’y bumaba sa pwesto at ibigay ang liderato sa higit na may kakayahan para gampanan ang responsibilidad na kaakibat ng trono.

Kilala ang mga Hapon sa kanilang disiplina at isang salita – mga katangiang tila wala sa kasalukuyang administrasyon.

Kung tutuusin, walang binatbat ang dahilan ni Suga sa kanyang pagbibitiw. Ang totoo, nagbitiw siya hindi dahil may mga patunay ng katiwalian kundi dahil ‘yun ang tama. Sa madaling salita – mayroon siyang delikadesa.

Ang kanilang kultura, hindi tulad ng sa atin – konserbatibo at sagrado-sarado. Pero ‘wag ka, sa kahihiyan, walang-wala tayo. Katunayan, hindi pagbibitiw sa pwesto ang hangganan ng delikadesa ng mga Hapon. Sukdulang kitlin nila ang sariling buhay nang sa gayon ay mapagbayaran ang dulot nilang kahihiyan, kundi man tulad ng mayroon tayo — walang pagsidlang katiwalian.

Dito sa Pilipinas, sandamakmak na ang patunay ng katiwalian, pero ang lider ng bansa – hayun, busy sa pagtatakip sa kanyang mga tutang sugo ng Tsina.

Wala na ring pagsidlan ang bilang ng mga nagkasakit at pumanaw dahil sa kapabayaan ng ilan – pero hayun ang Pangulo, salag dito, salag doon dahil ayaw niyang pakawalan ang Kalihim niyang paborito.

Lost count na rin sa halaga ng perang inutang na walang angkop na paliwanag kung paano ginamit – pero ang Pangulo, hindi pa kuntento. Katunayan, plano na naman niyang ipangutang ang gobyerno.

Sa hilatsa ng mga nakaupo sa pwesto, mahihiya pati asero – sa tigas at kapal ng mukha, siyang tunay na pambato. Bakit nga naman kailangang mangamba, hangga’t nasa poder ang matanda tuloy ang ligaya. Marahil kanilang napagtanto, hindi na mauulit ang isa pang Duterte sa pwesto.

Sayang nga lang, walang sporting event ng pakapalan ng mukha sa Olympics – dahil kung mayroon, tiyak hahakot ang Pilipinas ng pinakamaraming medalyang ginto.

But wait, there’s more.

Ang siste, may plano pang manatili sila sa pwesto.

206

Related posts

Leave a Comment