STRANDED NA MANGINGISDANG PINOY SA CHINA, INAKSYUNAN NA

KAMAKAILAN ay dumulog ang halos 29 na ­mangingisdang Filipino na lulan ng tatlong barkong pangisda na nasa gitna ng laot sa Donghan, China.

Sumbong nila ay naiipit sila sa hidwaan ng kanilang kapitan na isang Intsik at ng may-ari ng barko.

Diumano ay ayaw idaong ng kapitan ng barko ang kanilang sinasakyan upang ­pwersahin ang may-ari nito na bayaran muna ang kanilang mga sweldo bago nila idaong ang barko.

Hinala ng mga kabayang mangingisda na ­nakipag-­kutsaba ang kanilang ahensya sa kapitan ng barko na ilayo ang barko sa lugar upang hindi makahagip ng signal ng telepono upang hindi sila makapagsumbong sa ­ating gobyerno o sa mga radyo o ­telebisyon, kung kaya ­maraming beses na sila ay napalipat-lipat ng kanilang pinaparadahan ng barko.

Idinulog ko sa OWWA Board of Trustees ang sumbong na ito at dito ay ating napag-alaman na ang tatlong barko na may pangalan na Han Rong 362, Han Rong 369 at Han Rong 366 ay nakatakda sanang dumaong sa Singapore at doon ay plano ng may-ari ng kumpanya na magdeklara ng bankruptcy na ikinalarma ng mga kapitan nito.

Agad namang nakipag-ugnayan si OWWA Overseas Operation Director Connie Marquez sa OWWA Kaouzhung sa Taiwan na siyang nakikipag-ugnayan sa kumpanyang nagmamay-ari ng nasabing mga barko.

Sa pinaka-latest na impormasyon na ini-report ni Dir. Marquez, sinabi nito na:

“Trustee Doc Chie, just received info from POLO ­Kaoshiung advising us that Leap Fiducia remitted $65,163.00 partial payment via PNB today.

Leap Fiducia advised that pinadalhan daw ng bottled water ang mga fishers. Ni-request din about food provisions”.

Agad kong ibinalita ang impormasyon na ito sa mga Pinoy na mangingisda na kanila namang ikinagalak.

Ang AKOOFW at ang OWWA ay nakatutok sa kasong ito upang masiguro na makakauwi na ang mga ­stranded na mangingisda sa laot ng China.

Samantala, ang AKOOFW ay labis na nagagalak sa mensahe ng pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga adbokasiya na isinusulong ng grupong AKOOFW.

Ang nasabing mensahe ay ipinarating ni Pangulong Duterte kay Coco Naik, Vice Chairman for Political Affairs, sa kanyang pakikipagkita sa pangulo sa Davao City.

Sinabi rin ni PRRD na siya ay susuporta sa hangarin ng AKOOFW na makapaglingkod sa mas mataas na antas ng serbisyo publiko.

189

Related posts

Leave a Comment