NAKAPAGTALA ng 19 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA Caloocan, Malabon at Navotas, Valenzuela) area, batay sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Mula sa 1,294 noong Setyembre 4, sumipa sa 1,309 ang COVID death toll sa Caloocan City noong Setyembre 6 o karagdagang 15 casualties habang 2,936 ang active cases. Pumalo na sa 48,873 ang tinamaan ng COVID sa Caloocan, at sa nasabing bilang ay 44,680 na ang gumaling.
Umakyat naman sa 565 ang pandemic fatalities ng Malabon matapos na tatlong pasyente ang bawian ng buhay noong Setyembre 6, habang, 137 ang nadagdag na confirmed cases. Sa kabuuan ay 17,957 ang positive cases sa siyudad, 769 dito ang active cases.
Umabot naman sa 317 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at 16,623 na ang recovered patients ng Malabon. Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Muzon dahil dalawa sa kanila ang muling nagkaroon ng COVID-19. Mula ay 283 magiging 281 na lamang ang mga gumaling sa nasabing barangay.
Isang COVID patient naman ang binawian ng buhay sa Navotas City at naging ika-458 COVID casualty ng lungsod hanggang 11:59 pm noong Setyembre 5, habang 1,676 ang active cases sa fishing capital makaraang 98 ang nagpositibo sa virus at 235 naman ang gumaling.
Sumampa na sa 15,311 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at 13,177 na ang mga gumaling
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Valenzuela City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
156 