ARESTADO ang isang babae na dadalaw sa kanyang boyfriend na nakakulong matapos mahulihan ng umano’y shabu na itinago sa kanin sa Caloocan City.
Kinilala ang arestadong suspek na si Erica Rivera, 40, ng Zapote Street, Bagong Barrio.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang dumalaw ang suspek sa kanyang boyfriend na nakakulong sa Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa Brgy. 146 para dalhan ng pagkain.
Habang nagsasagawa ng routinary inspection si P/Cpl. Dandan Canuto at P/Cpl. Philip Siembre sa dalang pagkain ng suspek ay may napansin silang kakaiba sa isang transparent plastic bag na naglalaman ng kanin.
Bunsod nito, inatasan ni P/Cpl. Canuto ang suspek na buksan ang plastic bag at ilabas ang laman nito kung saan nakuha ang isang sachet ng umano’y shabu na nakatago sa kanin.
Ang nadiskubreng shabu ay tinatayang 0.9 gramo na P6,120 ang street value.
Inaresto ng mga pulis ang suspek at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ng Caloocan City. (FRANCIS SORIANO)
358 