IPINAGPALIBAN ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pilot implementation ng General Community Quarantine (GCQ) with Alert Levels System sa National Capital Region (NCR).
Dahil dito, mananatili pa rin ang Kalakhang Maynila sa risk classification bilang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang Setyembre 15, 2021, o hanggang ang pilot GCQ with Alert Level System ay maipatupad.
“Kahit anoman ang mauna,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Aniya, dahil sa naging desisyon ng IATF ay mananatiling ipinagbabawal ang indoor at al-fresco dine-in services at personal care services kabilang na ang beauty salons, beauty parlors at nail spas.
Ang religious services naman na ginagawa sa pamamagitan ng online video recording at transmission ay pinapayagan.
Samantala, ang mga immediate family members ay pinapayagan naman na dumalo sa necrological services, lamay, inurnment at funerals hangga’t ang namatay ay hindi dahil sa COVID-19.
Gayunman, kailangan na magpakita ang mga ito ng “proof” ng kanilang relasyon sa namatay at kailangan na sumunod sa minimum public health standards. (CHRISTIAN DALE)
193 