MAHIGIT 400 BAGONG COVID-19 CASES SA PNP NAITALA

NAKAPAGTALA ng kabuuang 422 bagong kaso ng COVID-19 ang Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander at PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ito na ang pinakamataas na kaso na nadagdag sa PNP sa loob lang ng isang araw.

Paliwanag ng opisyal, simula nang umatake ang pandemya ay nasa mahigit 200 lang pumapalo ang bagong kaso ng sakit sa PNP kahit pa may ‘surge’ o pagtaas ng mga kaso ng sakit.

Pinakamaraming bagong kaso ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 214.

Sinundan ng Cagayan Police na may 33 kaso at Calabarzon Police na may 25.

Sinabi naman ni Vera Cruz na may 171 na bagong recruit sa PNP na unang nagnegatibo sa admission test ang nagpositibo sa COVID-19 makalipas ang re-swabbing.

Samantala, 174 naman ang mga bagong gumaling sa PNP.

Dahil sa mga bagong nagkasakit at gumaling, 2,501 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP.

Wala namang nadagdag sa mga nasawi kaya nananatili ang bilang nila sa 108. (JG TUMBADO)

139

Related posts

Leave a Comment