ORIENTAL MINDORO – Walang habas na namaril ang isang preso sa loob ng Provincial Jail sa Calapan City sa lalawigang ito, na ikinamatay ng dalawang inmate at lima ang nasugatan kahapon.
Kinilala ang napatay na sina Edison Sampaga, 41, at Lowelyn Mendoza, 36, kapwa person deprived of liberty o PDL, sa nabanggit na jail facility.
Habang nasugatan naman sa pamamaril ang lima pang PDL na sina Jeffrey Bajo Delos Reyes, 37; Christian Encarnado Licuan, 45; Hector Culla Abes, 41; Mark Belleza Dela Cruz, 42, at Alberto Lubusan Ebueza, 21-anyos.
Base sa ulat ng Calapan City Police Office, nagtungo sa kanilang himpilan si Prison Guard 1 Ricky Sevilla para magpatulong sa nangyaring pamamaril ng PDL suspect na si Sampaga sa mga kapwa preso.
Hindi pa mabatid sa imbestigasyon kung bakit napasa-kamay ni Sampaga ang isang .9mm caliber pistol na ginamit nito sa pamamaril sa mga kapwa preso sa Selda Uno ng Oriental Mindoro Provincial Jail sa Barangay Camilmil pasado alas-2:00 ng ng madaling araw noong Martes.
Ngunit bago pa man makakilos ang nagrespondeng SWAT team ay nagbaril sa sarili ang suspek.
Kasalukuyang nagpapagamot ang mga nasugatang PDL sa provincial hospital at bantay-sarado ng mga awtoridad.
Patuloy ang masusing pagsisiyasat ng pulisya sa pangyayari at inaalam kung paano nakuha ni Sampaga ang baril ng isa sa prison guards.(CYRILL QUILO)
198 