SANGGOL KRITIKAL SA SAKSAK NG PWD

BATAAN – Kritikal ang kondisyon sa pagamutan ng isang taon gulang na sanggol na lalaki makaraang pagsasaksakin ng isang binatilyong may sakit sa pag-iisip sa bayan ng Dinalupihan sa lalawigang ito, noong Martes.

Ayon kay Police Lt. Col. Emil Dela Cruz, hepe ng Dinalupihan Municipal Police Station, kanila nang ikinostudiya ang suspek na 19-anyos.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente pasado alas-11:00 ng umaga noong Martes, Setyembre 7, 2021 sa Purok Dos-A, Barangay Roosevelt kung saan umano nasa labas ng bahay ang sanggol at nilalaro ng kanyang mga kaanak.

Maya-maya pa ay biglang sumulpot ang suspek na may hawak na kutsilyo at daglian nitong dinaluhong ng sunod-sunod na saksak ang sanggol.

Mabilis na isinugod sa Dinalupihan District Hospital ang biktimang nasa malubhang kalagayan dahil sa limang saksak sa katawan.

Sa follow-up operation ng pulisya ay nadakip ang suspek habang nakatambay sa hindi kalayuan sa lugar ng insidente.

Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay may sakit sa pag-iisip batay sa pahayag ng mga kaanak. (JG TUMBADO)

175

Related posts

Leave a Comment