Ipinalalagay ng Senado sa watchlist order MICHAEL YANG TATAKAS?

IPINALALAGAY na ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Presidential Consultant Michael Yang sa watchlist order ng Department of Justice upang matiyak na maagapan ang pag-alis nito sa bansa.

Ito ay makaraang hindi sumipot si Yang sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite hinggil sa sinasabing overpriced procurement ng medical equipment ng gobyerno.

Ayon sa abogado ni Yang na si Atty. Raymund Fortun, tumaas ang blood pressure ni Yang at pinayuhan ng kanyang mga doktor na manatili sa pagamutan sa loob ng limang araw.

Samantala, kinumpirma ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na naipatupad na ang warrant of arrest laban kay Yang at kay Pharmally Pharmaceutical Corporation official Linconn Ong.

Gayunman, sinabi ni Sotto na pinayagan ng Office of the Senate Sergeant at Arms si Ong na manatili sa kanyang tahanan makaraan itong magpositibo sa COVID-19.

Matatandaang noong Biyernes, nagpalabas ng warrant of arrest ang Senado laban kina Yang at Ong dahil sa pagiging ‘evasive’ sa mga tanong ng mga senador sa kanya.

Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa isyu sa Setyembre 17, 2021, alas-10:30 ng umaga.

Sa isang ulat na nakarating sa SAKSI Ngayon, nitong weekend ay namataan pa si Yang sa lobby ng Dusit Hotel sa lungsod ng Davao. (DANG SAMSON-GARCIA)

107

Related posts

Leave a Comment