ITO ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar kaugnay sa ipatutupad na granular lockdown at quarantine alert level system sa National Capital Region simula ngayong Huwebes, Setyembre 16.
Una nang inatasan ni Gen. Eleazar ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nasa ilalim ng pamumuno ni P/Maj. Gen. Vicente Danao, na alamin ang nilalaman ng guidelines at makipag ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga bagong patakaran at mga pagbabago kung kinakailangan.
Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Handa na ang inyong PNP sa pagpapatupad ng mga bagong patakaran alinsunod sa guidelines na inilabas para sa enforcement ng granular lockdown at quarantine alert level system sa Metro Manila”.
“We are continuously coordinating with the LGUs in Metro Manila for proper enforcement of these rules—from the identification of areas that would be placed under lockdown up to the distribution of assistance to the affected residents,” ani Eleazar.
Sinabi pa ng heneral, bahagi ng kanilang security adjustment ang pinaikling curfew hours na magiging epektibo sa sandaling isailalim na sa Alert Level 4 ang National Capital Region kasabay ng pagpapatupad ng granular lockdown simula ngayon.
Idinagdag pa ng PNP chief, dapat tulungan din ng pulisya ang mga barangay sa pagpapatupad ng pinaikling curfew.
Umapela naman sa publiko si P/Gen. Eleazar na makiisa at sumunod hindi lamang sa curfew hours kundi sa lahat ng mga patakarang ipatutupad sa ilalim ng alert level system at granular lockdown.
“Sa pagpapatupad ng mga patakarang ito simula bukas, hinihiling namin ang pakikipagtulungan ng ating mga kababayan upang maayos na maipatupad ang mga ito at kalaunan ay makamit ang mithiin ng mga alituntuning ito na makontrol at tuluyang matapos ang pandemyang ito,” wika pa ng PNP chief. (JESSE KABEL)
228
