TINIYAK ng isang mambabatas na higit pa nilang paghuhusayin ang access ng mga Pinoy sa serbisyong pangkalusugan sa gitna ng pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Tinuran ito ni Senator Christopher “Bong” Go na birtuwal na dumalo sa pagbubukas ng Malasakit Center sa West Visayas State University Medical Center sa Jaro, Iloilo City noong Huwebes, Setyembre 16, at bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at principal author ng Malasakit Centers Act.
Ang pang-141st na Malasakit Center sa bansa ay pang-apat naman sa rehiyon, bilang karagdagan sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City; Don Jose Monfort Medical Center Extension Hospital sa Barotac Nuevo; at Western Visayas Sanitarium sa Sta. Barbara, na una nang inilunsad kamakailan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Go na ang pagtatayo ng mga Malasakit Center sa bansa ay bahagi ng commitment ng administrasyong Duterte para mailapit pa ang pamahalaan sa mamamayan at mapaghusay pa ang kanilang access sa public healthcare system, partikular na ang mahihirap at indigents.
“Isa sa mga first five na Malasakit Center ay diyan po mismo sa Iloilo City… at noong naging Senador po ako, isinulong ko ito sa lehislatibo, pinirmahan ni Pangulong Duterte noong 2019, at ganap na batas na po ito ngayon,” ani Go. “Sabi ko, bakit pa natin pahihirapan ang ating mga kababayan eh sa totoo lang po, pera nila ‘yan, pera ng Pilipino ‘yan, ibalik po natin sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at may malasakit na serbisyo lalo na sa mga nangangailangan at walang matakbuhan.”
Pagbabahagi pa ni Go, sa mahigit 20 taon niya sa public service, personal niyang nasaksihan ang hirap na pinagdaraanan ng mga underserved patients upang makakuha ng atensiyong medikal, na siya aniyang nagtulak sa kanya upang buksan ang kauna-unahang Malasakit Center sa Cebu City noong 2018.
Bilang isang one-stop shop, layunin ng center na gawing simple na lamang ang proseso nang pagre-request ng medical-related assistance mula sa pamahalaan. Ang mga concerned agencies ay may mandato na tulungan ang mga pasyente at bawasan ang kanilang hospital bills hanggang sa pinakamababang halaga na posible, sa pamamagitan nang pagko-kober ng iba’t ibang patient services at fees.
Ang mga partner agencies nito ay ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Nasa loob na ho ng ospital ‘yung apat na ahensya ng gobyerno – PhilHealth, PCSO, DOH, DSWD. Tutulong-tulong po ‘yan sila, mag aambag-ambag para po doon sa hospital bill ng pasyente hanggang maging zero po,” aniya pa.
Kasabay nito, nagpahayag rin ng pasasalamat si Go sa mga medical frontliner na patuloy na nagsusumikap at nagsasakripisyo upang matiyak na ang kanilang komunidad ay ligtas mula sa banta ng coronavirus.
Tiniyak pa niya na sa joint efforts ng Department of Health (DOH) at ng kanyang tanggapan, maglalaan sila ng kinakailangang pondo upang higit pang mapaghusay at masuportahan ang West Visayas State University Medical Center.
Muli rin siyang nanawagan sa mamamayan na magpabakuna na upang maprotektahan laban sa COVID-19.
Matapos ang okasyon, namahagi rin ang grupo ni Go ng mga pagkain, masks, face shields, at vitamins sa may 118 patients at 1,180 medical frontliners sa lugar. (CHRISTIAN DALE)
200
