STA. CRUZ, Laguna – Isang 44-anyos na nangangasiwa ng online sabong platform ng tanyag na si Atong Ang, ang dinukot ng ‘di pa kilalang armadong kalalakihan sa Barangay San Lucas sa lungsod ng San Pablo.
Ayon sa tagapagsalita ng Laguna Provincial Police Office na si Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, hindi bababa sa sampung armadong kalalakihang lulan ng dalawang van at isang SUV na nagpakilala bilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tumungo sa mismong bahay ng biktimang 44-anyos na si Ricardo Ricafort Lasco.
Sa kuha ng CCTV footages, sapilitang isinakay ng nagpakilalang NBI agents ang biktima sa isa sa dalawang van. Agad namang inalerto ng mga kaanak ng biktima ang pulisya, kasabay ng pagpapakalat ng larawan ng biktima sa social media.
Wala pang pahayag ang NBI hinggil sa nasabing insidente. Maging si Ang ay nananatiling tikom ang bibig hinggil sa pagdukot ng kanyang tauhan.
Patuloy naman ang paghahanap ng pulisya sa biktima, kasabay ng mahigpit na pagbabantay ng mga border sa pag-asang mahagip isa man lang sa tatlong sasakyang ginamit ng mga suspek. (CYRILL QUILO)
587
