BIBISITAHIN nina Chief Implementer Secretary Carlito Galvez at Testing czar Vince Dizon ang mga ospital na naiulat na nagsara muna ng kanilang COVID wards.
Ito’y dahil na rin sa sinasabing pagkakasakit na ng mga medical staff nito matapos tamaan ng COVID 19.
Pag-amin ni Dizon, nag-aalala sila sa naturang ulat na pati aniya ang pinakamalalaki at pinakamagagandang pribadong ospital ay damay sa pagsasara ng COVID wards.
Maituturing ani Dizon na ito na ang pinakamalaking hamon sa ngayon lalo’t mataas pa rin ang kasong naitatala dulot ng Delta variant habang overburdened aniya ang mga ospital.
Kung may pinakamalaking problema aniyang maaaring kaharapin ngayon ay ang pagkakasakit ng healthcare workers na kailangang tulungan at punan ang kanilang serbisyo.
Sa ulat na natanggap mismo ni Pangulong Duterte ay inihayag nitong nasa 60 taga-Cardinal Santos Medical Center ang nahawa ng virus at naka-quarantine, 55 sa UERM, 84 sa Medical City, 33 sa Philippine Heart Center habang sarado na muna ang COVID ward sa St. Luke’s.
“Ang ibig sabihin sa report dito sa akin is ang mga trabahante sa St. Luke’s, 168 nahawa; Cardinal Santos Medical Center, 60 ang nahawa, naka-quarantine na ngayon; UERM, 55; Medical City, 84; Philippine Heart Center, 33. So hindi na sila makatanggap ng pasyente kasi mismo ‘yung mga workers nila tinamaan. The whole of the — I don’t know but what I heard, the latest is that ang St. Luke’s nagsara ang isang ward.
Sinara — sinara na nila. Walang tao,” ayon kay Dizon. (CHRISTIAN DALE)
196 