4 TODAS SA COVID SA MALABON, NAVOTAS

DALAWA ang naitalang namatay sa COVID-19 sa Malabon City noong Setyembre 23 at 150 ang nadagdag na confirmed cases.

Sa kabuuan ay 20,065 na ang positive cases sa lungsod, 674 dito ang active cases. Habang 290 pasyente ang gumaling at 18,778 na ang recovered patients ng siyudad, habang 613 naman ang COVID death toll.

Dalawang COVID patients din ang binawian ng buhay sa Navotas City, habang 1,087 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Setyembre 22 matapos na 102 ang gumaling at 20 bagong kaso ang madagdag.  Pumalo na sa 16,853 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at dito ay 15,263 na ang gumaling at 503 ang binawian ng buhay.

Walang naitalang namatay dahil sa COVID-19 sa Valenzuela City noong Setyembre 23, habang 1,421 ang active cases matapos na 333 ang gumaling at 272 naman ang nagpositibo sa virus.

Sumampa na sa 32,199 ang confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 30,080 na ang gumaling at 698 ang namatay.

Samantala, sinabi ni Mayor Rex Gatchalian sa mga nagparehistro sa VCVax mula Enero hanggang Marso 2021 na hindi pa nakatanggap ng kanilang 1st dose ng bakuna, na maaari silang pumunta sa Valenzuela City People’s Park Amphitheater sa pagitan ng 8 am hanggang 5 pm para magpabakuna.

Para sa mga nagparehistro sa buwan ng Enero at Pebrero, inilaan ang Setyembre 23 (Huwebes) hanggang Setyembre 24 (Biyernes), habang sa nagrehistro naman ng Marso ay inilaan ang Setyembre 25 (Sabado) at Setyembre 26 (Linggo).

“Hindi niyo na kailangang maghintay ng appointment letter o text. Huwag kalimutang dalhin ang inyong ValTrace QR Code, ballpen, at valid o government-issued ID,” ayon sa alkalde. (ALAIN AJERO)

171

Related posts

Leave a Comment