SINUSPINDE ng Games and Amusements Board (GAB) ang lisensiya ni Daniel de Guzman ng San Miguel Beer matapos isnabin ang ipinatawag na Zoom meeting ng ahensiya kaugnay sa kinasangkutan nitong game-fixing.
“He shall not be allowed to use his license in the meantime and if proven guilty he may lose his professional basketball players license,” pahayag ng dismayadong si GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa ipinadalang mensahe sa media kahapon.
“Daniel de Guzman didn’t appear in GAB virtual meet invitation today. For failure to appear he is now blacklisted and admin proceedings shall commence,” dagdag ni Mitra.
Sa sulat na may lagda ni GAB professional sports division head Dioscoro Bautista, hiniling ng GAB ang presensiya ng bench player na si de Guzman sa Zoom meeting upang maipaliwanag ang kanyang posisyon sa naglabasang ulat na sangkot siya sa game-fixing sa laro ng San Miguel at Ginebra noong Setyembre 10 sa Bacolor, Pampanga. Sa naturang laro, nagwagi ang Beermen sa crowd-favorite Kings, 111-102.
Iisa ang may-ari ng naturang koponan na si Ramon S. Ang.
Lumutang ang game-fixing issue nang mag-viral sa social media ang Facebook messaging kung saan marami ang nagrereklamo na natalo sa pustahan sa kabila ng ibinigay umanong ‘tip’ ni de Guzman pabor sa Ginebra.
Itinanggi ni de Guzman, napili ng Beermen sa 2019 draft sa ika-42, ang pagkakasangkot sa game-fixing, ayon sa kanyang agent/manager na si Danny Espiritu.
Sa kabila nito, gusto ng GAB na marinig ang paliwanag mismo ni de Guzman.
166 