POSIBLENG mabasura ang kandidatura nina Senador Bong Go at Pangulong Rodrigo para sa posisyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo sakaling katigan ng Commission on Elections (Comelec) ang paksyon nina Senador Manny Pacquiao at Koko Pimentel na unang naghayag ng paglahok sa 2022 presidential elections.
Paglilinaw naman ni Comelec chairman Sheriff Abbas, hindi pa natatalakay ng kanilang tanggapan ang usapin sa pagitan ng dalawang paksyong kapwa giit na sila ang tunay na PDP-Laban.
Aniya, malamang ay sa Nobyembre pa nila ilabas ang desisyong tutukoy sa lehitimong grupong pahihintulutan nilang kumatawan sa nasabing partido.
Gayunpaman, inaasahan na rin aniya nilang maghahain ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang magkalabang paksyon para sa kanilang mga isasabak na kandidato sa posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo at maging sa Senado, Kamara at mga lokal na posisyon.
“For as long as wala kaming decision, ‘di pa natin alam ang legitimate na faction. Surely, the two factions will field their candidacy, sure ‘yan,” saad ni Abas sa isang panayam, kasabay ng pahiwatig ng pagdaraos ng Comelec en banc ng mga pagdinig sa mga inihaing petisyon ng magkabilang kampo.
Tanging ang paksyon pa lamang ni Energy Secretary Alfonso Cusi na tumatayong president ng partidong nagsusulong sa tambalang Go-Duterte ang nakapaghain ng petisyon. Wala naman umanong planong maghain ng pestisyon ang paksyon nina Pacquiao at Pimentel dahil batid nilang sila ang tunay at lehitimo.
“Mag-conduct kami ng clarificatory hearing and after that, we will submit na to the en banc. So magbobotohan kami, siguro mga sometime November,” banggit pa ni Abas na nakatakda na rin magretiro sa Pebrero.
Halos kasabay naman ni Abbas ang pagtatapos ng termino nina Commissioners Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr.
Sa napipintong pagbaba naman sa pwesto nina Abbas, Guanzon at Kho, apat ang nakatakda namang italaga ng pangulo, kabilang ang bakanteng pwesto sa Comelec. (FERNAN ANGELES)
162 