CAVITE – Napatay ang isang operatiba ng Cavite Police habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isa pang pulis makaraan ang isinagawang buy-bust operation sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kapwa isinugod sa Dasmariñas City Medical Center sina P/SSgt. Carl Marte Manzanilla at Pat. Ariel Carlos Maribojo ngunit idineklarang dead on arrival ang una dahil sa tama ng bala sa katawan.
Apat katao naman ang naaresto sa nasabing buy-bust operation na kinilalang sina Jesabel Cadag, Jemuel Pillar, John Marco Pacia at John Lloyd Pacia habang pinaghahanap ang tatlong nakatakas na sina Marlon Pacia, Jomarie Pacia at Jun-jun Javier.
Ayon sa ulat ni Corporal Wilfredo Villanueva ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi noong Martes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEU Cavite Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Capt. John Mark Presbitero, PDEU, at PSOG sa Snake Road, Brgy. Salawag, Dasmariñas City kung saan nakipagtransaksiyon si Marlon Pacia sa poseur buyers na sina Manzilla at Maribojo.
Ngunit nang mahalata ni Marlon na pulis ang kanyang kausap, agad itong nagbunot ng .45 kalibreng baril at pinaputukan sina Manzanilla at Maribojo.
Nadakip sa nasabing operasyon ang apat na suspek ngunit nakatakas ang tatlong kasamahan ng mga ito. (SIGFRED ADSUARA)
563 