ONLINE TRANSACTION FEES PINASUSUSPINDE

UPANG mapabilis ang digitization ng financial services sa bansa, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na himukin ang iba pang mga banko at electronic-money issuers (EMIs) na huwag munang maningil ng transaction fee sa mga bayaring ginagawa sa online at bank transfers.

Layon ni Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, na mapasigla at mapadali ang paglilipat sa digital transaction ng mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi sa bansa at makamit ito sa taong 2023 batay sa programa ng BSP na digital payments transformation roadmap (DPTR).

Inanunsyo kamakailan ng BSP na may 17 na bangkong patuloy na hindi naniningil ng online fee gamit ang PESONet at walo naman ang hindi kukubra ng transaction fee ng InstaPay hanggang Disyembre 31, 2021.

Ang mga nasabing bangko na nagsuspinde ng pagkolekta ng fee ng PESONet at InstaPay ay mula pa noong isang taon bilang kanilang kontribusyon sa mga hakbang ng gobyerno laban COVID-19 pandemic.

“Cashless transaction na ang ‘new normal.’ Mas tatangkilikin ito ng publiko kung wala na silang babayarang transaction fees. Kung may mga bangko na nagawang suspindihin ang pagkolekta ng transaction fees magmula nang magka-pandemya noong isang taon hanggang sa ngayon, maaari rin itong ipatupad ng iba pa,” paliwanag ni Gatchalian.

“Habang tuloy-tuloy ang pandemya, sana tuloy-tuloy din ang libreng transaction fees lalo na’t marami pa rin ang hindi nakakabalik sa kanilang trabaho at malaking tulong sa kanila kung hindi na sila magbabayad ng bank transaction fees,” dagdag ng senador.

Sa datos ng BSP, nakapagtala ng malaking pagtaas sa bilang ng digital transactions sa bansa sa kasagsagan ng pandemya at nitong katapusan ng Hulyo, nasa 64% ang paglago sa transaction ng InstaPay at nasa 103% naman ang paglobo ng mga halaga ng mga ginawang transaction gamit ang serbisyo nito kumpara sa parehong panahon noong 2020. Samantala, pumalo naman sa 190% ang pagdami ng mga gumamit ng serbisyo ng PESONet at nasa 50% naman ang inilago ng halaga ng mga transaksyong dumaan sa kanila.

Sa isang Senate briefing kamakailan, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno kay Gatchalian na hangad nilang maisakatuparan ang pagiging digital ng kalahati ng mga transaksyon sa bansa sa loob ng susunod na dalawang taon o maengganyo ang publiko na maging cash-lite mula sa pagiging cash-heavy.

Dahil hindi maaaring ipag-utos ng BSP ang pagsususpindi ng pangongolekta ng bayad sa mga online money transfer at iba pang transaksyon, sinabi ni Gatchalian na dapat ay himukin nito ang iba pang mga bangko at mga nasa sektor ng electronic fund transfer service na huwag munang maningil upang mas dumami pa ang tumangkilik sa digital transactions. (ESTONG REYES)

344

Related posts

Leave a Comment