NAKAPAGTALA ng isang namatay sa COVID 19 sa Malabon City noong Oktubre 2, habang 10 ang nadagdag na confirmed cases.
Sa kabuuan ay 20,300 ang positive cases sa siyudad, 398 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (1), Catmon (2), Concepcion (1), Dampalit (2), Hulong Duhat (2), Longos (1), at Tonsuya (1).
Sa kabilang banda, 58 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling, at sa kabuuan ay 19,578 ang recovered patients ng Malabon, habang umakyat sa 624 ang COVID death toll.
Isang pasyente rin ang tuluyang iginupo ng pandemya sa Valenzuela City noong Oktubre 2, habang 1,140 ang active cases matapos na 122 ang magpositibo sa virus, habang 206 naman ang gumaling.
Pumalo na sa 33,553 ang confirmed COVID cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 31,689 na ang gumaling, habang 724 ang namatay.
Hanggang 11:59 pm naman noong Oktubre 1 ay 492 ang active COVID cases sa Navotas City makaraang 25 ang nahawaan at 57 ang gumaling. Walang naitalang namatay dahil sa pandemya sa fishing capital sa nasabing araw.
Sumampa na sa 17,251 ang total COVID cases sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 16, 233 na ang nakarekober at 526 ang namatay.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
