PATULOY ang pagbaba ng ‘reproduction number’ o hawahan ng COVID-19 sa buong National Capital Region at pagliit ng mga bagong kaso ng impeksyon, ayon sa OCTA Research Group.
Batay sa ulat ni OCTA member Dr. Guido David, naitala na lamang sa 0.83 ang reproduction number nitong Oktubre 2 mula sa 0.98 noong nakaraang linggo.
Mayroon ding 16% positive rate sa National Capital Region, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal.
Sa naturang mga lugar, pinakamataas ang reproduction number sa Davao City na naitala sa 0.89 kasunod ang Pampanga at Rizal na parehong may 0.85 at ikatlo ang NCR na may 0.83.
Higit na mababa ang reproduction number sa Batangas na nakapagtala ng 0.74, Bulacan na may 0.70, Laguna na may 0.68, Cebu City na may 0.66 at Cavite na may 0.63.
Ang reproduction number ay ang antas ng hawahan sa isang lugar. Upang masabi na wala nang mataas na transmisyon ay kailangang maabot ang mas mababa pa sa ideyal na 1.0 na reproduction number.
Una na ring nasabi ng OCTA na malapit nang matapos ang laban ng bansa sa mas nakahahawang Delta variant dahil sa pagbaba ng mga bagong kaso. (RENE CRISOSTOMO)
