ANTIPOLO City — Pormal nang naghain ng kanyang certificate of candidacy para gobernador sa nalalapit na 2022 general elections si Presidential Adviser Sec. Casimiro Ynares Jr.
Kasabay ng paghahain ng kandidatura ni Ynares, nagsumite na rin ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa re-election ang kaalyadong 1st district Congressman Michael John Roy Duavit.
Sa kabila ng inihaing kandidatura ni Ynares – na dati na rin nanungkulan bilang punong lalawigan, hindi naman kumbinsido ang marami lalo pa’t taliwas sa inaasahan ang pagbabalik nito sa pulitika.
Usap-usapan din sa lalawigan ang umano’y dating taktika nito kung saan umatras ito sa kandidatura taong 2007 bilang pagbibigay-daan sa nag-iisang anak na lalaking anak na si Dr. Casimiro “Junjun” Ynares III.
Taong 1992 nang unang mahalal sa pagka gobernador ang matandang Ynares. Subalit bago pa man ito naging punong lalawigan, nagsilbing alkalde ng Binangonan, Rizal ang ngayo’y presidential adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang napabalitang sasagupa sa pagka-gobernador si Cainta Mayor Keith Nieto makaraang madismaya ito sa paglalagay umano ng kalaban sa asawa nitong si Atty. Elen Nieto na nakatakda namang tumakbong bilang kapalit na mayor ng Cainta. (KNOTS ALFORTE)
771 