“TO be a criminal is foolish. To be a fugitive is insane,” pahayag ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo matapos na madakip ng kanyang mga tauhan ang sampung most wanted persons sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa pinaigting na kampanya ng PNP Bicol kontra kriminalidad partikular na ang kampanya laban sa wanted persons.
Sa unang bugso ng Oktubre taong kasalukuyan, anim ang nasakote ng mga kawani ng Camarines Sur Police Provincial Office sa inilunsad nitong manhunt operation. Kabilang na rito ang rank 1 city municipal wanted person ng Iriga City na kinilalang si Lorenzo Valenzuela Malco, 74-anyos, may asawa at residente ng Zone 1, Sto. Domingo ng nasabing bayan.
Si Malco ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong rape batay sa ipinalabas na warrant of arrest mula sa RTC, Branch 37, Iriga City.
Hindi na rin nakawala sa kamay ng mga awtoridad ang rank 1 municipal most wanted person (MMWP) ng Goa MPS na si Gaspar Corona y Zamudio, 38, walang asawa. Ang akusado ay nasakote sa Sitio Maypako, Brgy. Hiwacloy, Goa, Camarines Sur kung saan ito naninirahan. Si Corona ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng RTC 4th Judicial Region, Branch 83, Tanauan City, Batangas noong Enero 21, 2008 para sa kasong murder.
Samantala, huli rin ang rank 1 MMWP ng Ragay MPS na si Domingo Calvelo y Baldon, 43-anyos, may asawa. Si Calvelo ay dinampot ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest para sa siyam na bilang ng kasong rape.
Kulungan din ang kinahantungan ng 19-anyos na binata matapos itong pormal na silbihan ng warrant of arrest sa Zone 6, San Sebastian para sa kasong panggagahasa. Kinilala ang akusado na si Dominic Valenzuela y Plopinio. Ito ay tinaguriang rank 2 MMWP ng Lagonoy MPS.
Nakorner din ng pulisya ang rank 5 MMWP ng Tigaon MPS na si Salvador Mirador y Marcial, 63-anyos, residente ng Zone-5, Brgy. Panagan, Tigaon. Ito ay nahaharap sa kasong acts of lasciviousness na may piyansang P108,000, at sexual assault na may piyansa namang P200,000 Sa Brgy. San Isidro, Bombon ay nadaklot naman ang rank 5 MMWP na si Christopher Cañeso y Purificacion, 40-anyos, may asawa at residente ng Zone 7, Sitio Sta. Cruz, Brgy. San Antonio. Si Cañeso ay may kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (Section 3 of RA 10883).
Ang korte ay may inirekomendang piyansa na halagang P300,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Patuloy rin ang pagkilos ng Albay Police Provincial Office laban sa wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang may sala sa batas. Ito ay sina John Felix Clavecillas y Clapis, 23-anyos, walang asawa, residente ng Purok 1, Brgy. Naga, Tiwi, Albay. Si Clavecillas ay nahaharap sa salang walong bilang ng kasong rape na nakasaad sa warrant of arrest na ibinaba ng Family Court, 5th Judicial Region, Branch 3, Tabaco City, Albay.
Nabigyan na rin na hustisya ang biktima ng sekswal na pang-aabuso ng tinaguriang rank 5 CMWP na si Henry Beraquit Brondial, 44-anyos, walang asawa, laborer, at residente ng Purok 7, Brgy. Comon, Tabaco City. Si Brondial ay nahaharap sa kasong rape thru sexual intercourse.
Sa probinsya ng Sorsogon, ‘di na rin nakaalpas sa mga operatiba ng Sorsogon Police Provincial Office ang rank 1 MMWP ng Castilla MPS.
Ito ay tinukoy na si Ryan Arcega Legaspi, 28-anyos, walang asawa. Bitbit ang warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong rape na walang piyansa at tatlong bilang ng paglabag sa RA 7610 (child abuse) na may piyansang P180,000, tinungo ng mga awtoridad ang kinaroroonan nito sa Brgy. Quirapi Castilla, Sorsogon.
Ang nahuling wanted persons ay nasa kustodiya na ng himpilan ng PNP Bicol upang sumailalim sa medikal na eksaminasyon bago tuluyang ipiit sa selda.
Ang pagkakahuli sa mga wanted ng batas ay isang patotoo sa paninindigan ng PRO5 na linangin at linisin ang komunidad sa banta ng
karahasan at kriminalidad.
Ayon kay P/BGen. Estomo, magpapatuloy itong gampanan ang tungkulin na mapanatili ang kaayusan sa buong rehiyon sa pamamagitan ng mga programa at inisyatibong mas maglalapit sa kapulisan at komunidad para sa mas epektibong pagsugpo ng krimen. (JESSE KABEL)
332 