DOE pumiyok sa Senado CHEVRON-UDENNA DEAL KWESTYONABLE

(ESTONG REYES)

KINASTIGO ni Senador Win Gatchalian ang mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa pagsang-ayon sa pagbebenta ng 45% stake ng Chevron Malampaya sa Malampaya gas field sa kumpanya ng negosyanteng si Dennis Uy na Udenna Malampaya LLC kahit na “insufficient foundation” ang ligal na batayan ng desisyon ng DOE.

Ito ang inamin ng DOE sa gitna ng panggigisa ni Gatchalian sa mga opisyal ng ahensiya nang tanungin sila kung mapapanindigan ba nila ang kinalabasan ng kanilang pagsusuri sa pinansyal at teknikal na kapasidad ng kumpanya ni Uy.

“Nakakapanlumong malaman ang pag-amin nyo na hindi sapat ang pundasyon ng inyong ligal na batayan ngunit itinuloy nyo pa rin ang pagrerekomenda dito at kinalaunan ay inaprubahan ng DOE secretary ang transaksyon. Isipin niyo na lang ang sinasabi ninyong walang sapat na pundasyon ang kumpanyang inaprubahan ninyong bumili ng negosyong may halagang 500 milyong dolyar na nagsusuplay sa 3.7 milyong sambahayan o 27% ng kabuuang pangangailangan ng Luzon. Ang isang napakahalagang asset ng gobyerno ay napasakamay ng isang kumpanyang batay sa mismong findings ninyo ay hindi kwalipikado,” ani Gatchalian.

Ang pahayag na “insufficient foundation of legal basis” na mismong galing kay Director Cesar de la Fuente ng Energy Resource Development Bureau ng DOE ay ikinadismaya ng Senate Energy Committee chairperson dahil hindi man lamang daw ito nilagay sa alinmang dokumentong isinumite sa komite bago ang pinakahuling pagdinig.

Mas lalo pang nadismaya si Gatchalian sa aniya’y nakalilito at tila paglilihis sa tunay na sitwasyon ng Udenna Malampaya nang iprinisinta ng DOE ang kanilang ulat sa komite.

“Sa pagsusuri nyo, pagdating sa usapin ng technical at legal aspects, UC Malampaya ang kinonsidera ninyo pero pagdating sa financial aspect, iniba niyo na ang pangalan, naging UC 38 na kasi hindi pumasa si UC Malampaya sa financial evaluation,” sabi ni Gatchalian.
UC 38 ang ipinalit sa pangalan ng Chevron Malampaya.

“Sa totoo lang, ang dating sa akin ng lahat ng ito ay pinilit ninyong gawing lehitimo ang isang iligal na transaksyon. Lumalabas kasi na hindi kwalipikado ang Udenna Malampaya pero pinilit ninyong maging kwalipikado at ligal ang transaksiyon. Malinaw na may paglabag ang transaksyon. Pero sa kabila nito, bakit pinayagan nyo pa ring magpatuloy ang transaksyong ito?” tanong ni Gatchalian sa DOE.

Naging pinal ang nasabing bentahan noong Marso ng nakaraang taon.

387

Related posts

Leave a Comment