ARESTADO sa anti-illegal drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Gamu Police Station, Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office at Santiago City Police Office sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2), ang dalawang bigtime drug pushers sa Gamu-Roxas Road, District 2, Gamu, Isabela noong Linggo.
Sa ipinadalang email mula kay P/Lt. Col. Andree Abella, chief ng Regional Public Information Office ng PRO2, sa SAKSI NGAYON, kinilala ang mga suspek na sina Eugene Quindara, 38; nakalista bilang regional priority target, street level individual, at isang PNP-PDEA high value target na si Rd Flores, 37, kapwa residente ng Sta. Filomena, San Mariano, Isabela.
Bukod sa isang pirasong sachet ng shabu na ibinenta ng mga suspek sa isang PDEA agent na umaktong poseur buyer, iba pang kontrabando ang nakumpiska sa mga suspek kabilang ang isang sachet na naglalaman ng 500 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana; isang hand grenade; isang unit ng improvised shotgun na kargado ng isang 12-gauge live ammunition; P6,000 buy-bust money, at isang unit ng Mitsubishi Adventure vehicle.
Sina Quindara at Flores ay kasalukuyan nasa kustodiya ng Gamu Police Station at isinailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9516 o Unlawful Possession of an Explosive or Incendiary Device.
Samantala sa anim katao ang nadakip sa ikinasang joint anti-narcotics operation sa isang drug den ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Zambales PNP sa bayan ng Subic ng nabanggit na lalawigan.
Tinatayang 15 gramo ng shabu na may street value na aabot sa P102,000 ang nakumpiska ng PDEA Zambales Provincial Office at PNP Zambales.
Batay sa report na natanggap ni PDEA Director General Wilkins Villanueva mula sa PDEA Region 3, kinilala ang mga arestado na sina Renato Galote, 54, drug den maintainer; Alma Noble, 46; Roxanne Manalo, 30; Phillip Escorton, 38; Rey Eugenio, 33, at Ener Monar, 47, pawang mga residente ng bayan ng Subic.
Nakumpiska sa nasabing operasyon ang ilang sachets naglalaman ng 15 grams ng shabu, drug paraphernalia, at buy-bust money. (JOEL O. AMONGO/JESSE KABEL)
196 