PINUNA ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang pagpunta nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go sa isang mamahaling mall partikular sa bilihin ng luxury watches.
Sinabi ni Gordon, naganap ito matapos ang paghahain ni Go ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-Vice President.
“Ang gaganda at mamahalin. Meron po tayong tinatawag sa Civil Code, conspicuous consumption in times of crisis. May krisis po tayo, nakuha pa nilang bumili,” saad ni Gordon.
“Parang yung President at saka Sen. Bong Go na matapos silang mag-file ng candidacy, hindi ko maintindihan bakit sila nagpunta sa isang gusali na nagtitinda ng mamahaling mga relo doon sa isang mamahalin na department store,” dagdag ng senador.
“Di ba natin nalalaman nahihirapan ang mga tao, pupunta pa tayo doon sa lugar ng marangya?” giit pa nito.
Agad namang tumugon si Go sa pahayag ni Gordon at itinangging bumili sila ng Pangulo ng bagong relo at sa halip ay “cookies” lamang ang nabili nila sa mall.
“Pati ba naman ‘yung pagpunta niya ng mall, gagawan pa ng malisya. Karapatan naman ng sinoman iyon,” diin ni Go.
“Nagyaya siya (Duterte) na dumaan muna nang saglit sa mall na matagal na niyang hindi napupuntahan bago umuwi. Kita naman kahit sa picture na nasa telepono pa rin ako at nagtatrabaho pa rin. May mga iilan ring lumapit para magpa-picture sa kanya at in-entertain rin naman niya,” paliwanag ng senador.
Sinabi ni Go na nais lamang ng pangulo na maglakad-lakad dahil ilang buwan na rin itong hindi nakakalabas.
“Sabi nga ng Pangulo, konti na lang at matatapos na ang kanyang termino. Makakapahinga na daw siya [As what the President said, he has little time left in his term. He can now rest]. He is excited to return to being an ordinary citizen after decades in public service,” diin ni Go. (DANG SAMSON-GARCIA)
178 