PRESIDENTE NG MGA TSUPER ITINUMBA SA QC

PATAY ang pangulo ng jeepney drivers’ association makaraang pagbabarilin ng riding in tandem, Lunes ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ang biktimang si Jessie San Jose Dela Cruz, 46, operation manager ng UPV Trucking and Hauling Service, at residente ng Norzagaray Road, Sta. Maria, Bulacan.

Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU, QCPD), nangyari ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi sa East Service Road, Brgy. Unang Sigaw, Quezon City.

Ayon sa imbestigador na si P/SSgt. Anthony Tejereo, pauwi na ang biktima sa kanilang bahay sakay ng pulang Mitsubishi Adventure (NAS-4945), at habang binabagtas ang kahabaan ng East Service Road ay dinikitan ng riding in tandem at ito ay pinagbabaril.

Bagama’t sugatan, nagawa pa ng biktima na paandarin ang kanyang sasakyan ngunit hinabol siya ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril bago tuluyang tumakas.

Naisugod pa ng mga tanod na sina Arnel Torres at Noel Iniong ang biktima sa MCU Hospital ngunit nalagutan ng hininga bandang alas- 9:30 ng gabi, ayon kay Dr. Rey Paulo.

Nakuha sa crime scene ng SOCO team, sa pamumuno ni P/Lt. Michael Jabel, ang dalawang fired cartridge cases at dalawang basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Nakarekober naman ng mga awtoridad ang isang Commodore caliber .45 pistol na may lamang pitong bala at dalawang cartridge cases sa sasakyan ng biktima.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa posibleng motibo ng nasabing pamamaril at upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (LILY REYES)

173

Related posts

Leave a Comment