Ikinasa ng iba’t ibang grupo KILOS PROTESTA VS OIL PRICE HIKE

gasol

MAKARAAN ang mahabang panahon, nagbabalik lansangan ang mga militanteng aktibista at mga kinatawan at kasapi ng iba’t ibang sektor sa ikinasang kilos-protesta laban sa lingguhang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo.

Kabilang sa mga lumahok sa kilos protestang sinimulan sa Quezon City Circle ang mga tsuper at operator na miyembro ng grupong Piston, Anakpawis, Kilusang Mayo Uno (KMU), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Kadamay.

Anila, marami pang susunod at mas malaking kilos protesta ang kanilang pangungunahan hangga’t hindi dinidinig ng gobyerno ang kanilang panawagang pagbasura sa oil deregulation law na anila’y pahirap sa mga mamamayang Pilipino.

Ayon kay Piston President Mody Floranda, dapat ng alisin ng gobyerno ang mga ipinapataw na buwis sa petrolyo para bumaba ang presyo nito.

Paliwanag naman ni Elmer Labog ng KMU, kailangan nang kumilos ng mga mambabatas upang matanggal ang oil deregulation law. Ito raw kasi anila ang pinaka-ugat ng kawalan ng kontrol ng gobyerno sa presyuhan ng petrolyo.

Kaugnay nito, hindi na paaawat ang pinakabagong pagtaas ng presyong ipapataw ng mga kumpanya ng langis mula bukas. Sa datos ng gobyerno, ang nakatakdang oil price hike ay para sa ika-siyam na magkakasunod ng linggo.

Nag-abiso na ang Chevron Philippines, Pilipinas Shell at Seaoil Philippines kaugnay ng kanilang ipatutupad na dagdag presyo sa kanilang ibinebentang produktong petrolyo – P1.15 kada litrong dagdag sa presyo ng gasolina habang P0.45 kada litro naman sa krudo. Dadag P0.55 kada litro din ang ipapataw sa kerosene.

Ganito rin ang inaasahang dagdag presyong pataw ng Cleanfuel at Petro Gazz simula alas-6:00 ngayong umaga maliban sa Chevron na magkakasa ng oil price hike alas-12:01 ng hatinggabi.
Sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE) pumalo na sa P16 hanggang P20 kada litro ang naidagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo mula pa Enero.

160

Related posts

Leave a Comment