KINUKUMPLETO na ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion-Norton ang buong team na tutulong upang makamit ni Carlos Edriel “Caloy” Yulo ang inaasam na gold medal sa 2024 Paris Olympics.
Sinabi ng GAP prexy, nasa final negotiation stage na sila para sa magiging sports psychologist at sports nutritionist ng Pinoy vault champ sa katatapos lang na World Championships, upang makumpleto na ang Team Yulo na kinabibilangan din nina Japanese coach Munehiro Kugimiya at physical therapist Jumpei Konno ang kasama.
Si Carrion-Norton ay nakatakdang dumalo sa International Gymnastics Federation (FIG) Congress at election sa Turkey sa susunod na linggo kung saan may posibilidad na manomina siya sa FIG Board.
Simula nang magtungo sa Japan noong 2016 sa pamamagitan ng scholarship mula sa Japanese Gymnastics Association, unti-unting umukit ng pangalan ang Pilipino gymnast sa nasabing isport.
Produkto ng Batang Pinoy at Philippine National Games, si Yulo ang pinakaunang Pinoy gymnast na nagawang makapagwagi ng lahat ng kulay ng medalya sa FIG World Championships simula noong 2018, kung kailan una niyang nakuha ang bronze medal sa floor exercise.
Tuluyan naman itong naging gold medal nang sumunod na taon (2019).
Nitong Linggo lang, bagama’t tumapos lang sa sixth place sa kanyang paboritong floor exercise sa 50th FIG World Championships sa Kitakyushu, Japan, agad naman siyang bumalikwas nang mag-gold sa men’s vault at silver medal sa parallel bars. (ANN ENCARNACION)
233
