PASANG KRUS NI JUAN DELA CRUZ

BAGAMA’T unti-unti nang lumuluwag ang quarantine protocols sa bansa bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic, isa na namang pasang krus ang kinahaharap ngayon ni Juan Dela Cruz.

Ito ay ang sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Batay sa pag-iikot ng PUNA sa ilang mga gasolinahan sa Metro ­Manila, ang mga produktong ­petrolyo ay nakapagtala na ng pinakamataas na ­dagdag sa presyo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ang unleaded gasoline ay nasa P70 na kada litro; Premium ay P71; at ang Diesel ay P56 na.

Ang 11 kgs. naman ng liquified petroleum gas (LPG) na ginagamit sa pagluto ng mga pagkain ay mahigit-kumulang nasa P800 na.

Ang premium gasoline ay kadalasan ginagamit sa mga sasakyang pribado.

Ginagamit din ng mga pribadong sasakyan ang unleaded, subalit kadalasan itong ginagamit ng mga pampublikong sasakyan.

Apektado nito ang kita ng mga tsuper, kaya naman awtomatikong bawas sa kanilang arawang kita ang dagdag na presyo ng unleaded gasoline.

Dagdag presyo, dagdag pasakit sa mga tsuper, Tsk! Tsk! Tsk!

Kaya naman humihirit na silang magtaas ng ­singil sa pamasahe ng minimum na P10 hanggang P12.

Siyempre ‘pag tumaas ang presyo ng mga ­produktong petrolyo, kasunod din ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kasama riyan ang mga isda, gulay, prutas, bigas, mantika, karne at marami pang iba.

Hindi kasi makararating sa mga pamilihan ang agricultural products kung hindi ito dadalhin ng mga sasakyan na ginagamitan ng produktong petrolyo.

Kaya ayon sapul sila sa pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ay naku! Saan na kaya pupulutin si Juan sa susunod taon?

Ganun din sa paghuli ng mga isda ay ginagamit din ang gasolina, kaya naman nagtataas din ang bentahan ng kanilang mga paninda.

Sa kabila ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na 5% lamang ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin.

Kaya hindi raw dapat tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bakit hindi n’yo hulihin ang nagtataas ng presyo ng kanilang mga bilihin?

Kung hindi n’yo sila huhulihin ay balewala lang ang inyong mga sinasabi (DTI). Walang silbi ang inyong mga sinasabi.

Kaya sa darating na Disyembre, nganga si Juan Dela Cruz kasama ng kanyang pamilya.

Posible pang abutin ng P80-P90 ang bawat litro ng unleaded at premium gasoline sa buwan ng Disyembre.

Posible ring umabot ng P70 ang bawat litro ng diesel.

Ang diesel ay ginagamit ng mga pampublikong sasakyan.

Maaaring abutin din ng P1k ang bawat tangke ng 11 kgs ng LPG na ­ginagamit para sa pagluluto.

Siyempre tataas din ang presyo ng bawat order sa mga karinderya at restaurant.

Nakaumang pa ang eleksyon sa susunod na taon.

Sa tuwing natatapos ang eleksyon ay nagtataasan din ang mga ­pangunahing bilihin.

Kailan pa kaya matatapos ang Pasang Krus ni Juan Dela Cruz?

oOo

Para suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

286

Related posts

Leave a Comment