ANTIPOLO CITY – Umabot sa 40 kabahayan ang tinupok ng apoy nang maiwan ng isang residente ang nakasinding kandila noong Lunes ng gabi sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat ng Antipolo Fire Department at Marikina Filipino Fire Brigade, umabot sa ikatlong alarma ang sunog dakong ika-9:30 ng gabi na nagsimula dakong 8:30 ng gabi noong Nobyembre 1, sa Sitio Dalisay C, Lawis Extension, Brgy. San Isidro sa lungsod.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang kumpirmasyon ang Antipolo Fire Department kung may sugatan o casualty at kung magkano ang halaga ng total damage ng sunog.
Batay sa advisory ng lokal na pamahalaan at mga fire volunteer, ang mga nasunugang pamilya ay pansamantalang nananatili sa covered court ng San Isidro Elementary School at ng barangay hall.
Ayon sa impormasyon mula sa tanggapan ni Antipolo Fire chief, F/Chief Insp. Gilbert Valdez, tinatayang umabot sa P375,000 ang halaga ng pinsala, 40 bahay ang nasunog, 40 pamilya ang nawalan ng tirahan habang nasa 100 katao ang apektado.
Patuloy pa ang isinasagawang ‘mop up operation’ sa lugar upang matiyak na wala nang kandila na naiwang nakasindi. (KNOTS ALFORTE)
247 