NANANATILING blanko ang pulisya sa motibo at maging sa mga salarin sa likod ng pamamaslang sa ika-21 peryodistang napatay sa ilalim ng rehimeng Duterte, sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur.
Gayunpaman, tiniyak ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Egco na hahawakan ng isang special investigation task group (SITG) ang pagsisiyasat sa insidente ng pamamaril kay dating SAKSI Ngayon correspondent Orlando “Dondon” Dinoy sa loob ng broadcast booth nito sa apartment na tinutuluyan nito lamang nakaraang Oktubre 30.
Pagtitiyak pa ng opisyal na dati ring peryodista bago itinalaga sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailangang tutukan maigi ang nasabing insidente kahit walang kinalaman sa kanyang propesyon ang pamamaslang kay Dinoy na aniya’y isang miyembro ng LGBT community.
“I hope in the near future, probably, ay magkaroon na po ng breakthrough dito. Hopefully, hopefully. There are positive developments, I’m sorry, I cannot share right now,” saad naman niya sa bukod na panayam.
Si Dinoy ay nagtatrabaho bilang reporter ng Newsline Philippines at anchor ng isang programa sa radio.
Taliwas sa inihayag ni Egco, inamin ng Bansalan police na wala pa silang anomang lead na pwedeng sundan para matukoy at matunton ang salarin.
Gayunpaman, posible anilang personal na galit ang dahilan ng pamamaslang sa peryodista.
Samantala, maagap namang naglunsad ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa pagpatay kay Dinoy.
“Killings perpetrated against the media foster a chilling effect and help breed a climate of impunity,” pahayag ni Atty. Jacqueline Ann de Guia na tumatayong tagapagsalita ng nasabing komisyon.
“A silenced media hampers the free flow of information and deprives the Filipino citizenry of much-needed information critical for discernment in national affairs,” dagdag pa nito.
Ayon sa mga saksi, pwersahang pinasok ng isang armadong lalaki ang apartment unit na tinutuluyan Dinoy. Pagkatapos barilin, agad namang tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng isa pang indibidwal.
“It is especially disappointing that such incident occurs as we commemorate today, Nov. 2, the International Day to End Impunity for Crimes against Journalists. There is impunity (sa pamamaslang ng mga mamamahayag) when there is no accountability for crimes committed,” diin pa niya.
Pinasaringan pa ng opisyal ang Philippine National Police (PNP) na aniya’y walang naresolbang insidente ng media killings sa pagpasok ng 2021. (FERNAN ANGELES)
164 