Oil smugglers binalaan WALANG MARKA, MATIK KUMPISKA

SA gitna ng kabi-kabilang protesta kaugnay ng lingguhang pagpapataw ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, binalaan naman ng bureau of customs (BOC) ang mga negosyante laban sa pagsasamantala at pagpupuslit ng langis papasok sa bansa.
Babala pa ni Port of Limay district collector Atty. William Balayo, hindi sila magdadalawang-isip na embarguhin lahat ng mga kargamentong langis na walang kaukulang dokumento at permiso. Bukod sa langis, kukumpiskahin din ani Balayo maging ang sasakyang ginagamit sa pagbibiyahe ng mga klasipikadong iligal na kargamento.
“Confiscation po ng fuel product at vehicle kung hindi marked ang fuel po sir,” ani Balayo bilang pagtugon sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Makailang ulit na din aniya nilang nasabat ang tangkang pagpupuslit ng langis sa kanilang pwerto – “At lahat yan, hindi nakalusot,” pagtitiyak ni Balayo.
Aniya, isa ang langis sa kanilang mahigpit na binabantayan lalo pa’t sa Limay at Mariveles (sa lalawigan ng Bataan) lingguhang lumalapag ang malaking
bahagi ng suplay ng mga produktong petrolyong laan para sa mga karatig rehiyon at lalawigan ng Bataan.
Sinampahan na din aniya ng BOC ang mga arestadong grupo at indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa oil smuggling sa nasabing pwerto.
Kaugnay nito, mas pinaigting din ng BOC-Port of Limay ang kanilang ‘fuel marking’ sa layong tiyaking walang smuggled oil na nakalulusot sa kanilang saklaw na teritoryo.
“Beginning with its implementation from September 2019 to date the Port of Limay and Sub-Port of Mariveles marked a total of 10.6-billion liters of kerosene, diesel and gasoline,” saad ni Balayo sa kanyang ulat na isinumite sa tanggapan ni Guerrero.
172

Related posts

Leave a Comment