IMBESTIGAHAN NATIN ALAGANG SOBRE SA BOC

AMININ man o hindi ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC), mananatili ang katiwalian sa kanilang kawanihan – hindi dahil yan ang nais nila, kundi dahil ang kultura ng lagayan nakasanayan na.

Sa isang huntahan, hayagang sinabi ng isang customs broker na naging bahagi na ng kanilang trabaho ang mag-abot ng sobre sa mga kawani ng BOC sa hangarin mapabilis ang release ng kanilang kargamentong nakalagak sa Aduana.

Hindi man na direktang tinatarahan, malinaw naman kasi sa mga broker ang pahiwatig sa likod ng mga pagka-antala sa paglabas ng kargamento. Sa kagustuhang ang negosyo’y ‘di maperwisyo, mas makabubuting ibigay ang kapritso.

Ang siste, kumpleto na ang dokumento, natetengga pa rin dahil may “kulang.” Pero teka, paano nangyaring kumpleto subalit kulang? Sa madaling salita, diskarteng pilipit ng mga tiwaling pilit hahanap ng butas – hudyat para sila’y “maglabas”.

Ang tinutukoy na kulang ay ang tinatawag na tara sa BOC, sobre o SOP sa ibang ahensiya ng gobyerno.

Sa puntong ito, mas mainam anilang “kumpletuhin” na lamang kesa maperwisyo ang negosyo. Hindi lang minsan napatunayan ang bagsik ng mga tiwali. Kaya nilang paglahuing parang bula ang lahat ng naipunla ng kokontrang kapitalista.

Pag-amin ng ating impormante, hindi na mawawala ang katiwalian sa nasabing kawanihan dahil kalakaran na aniya mula noon pa ang tara ng mga buwaya.

Ang siste, obligado rin ang tara kahit walang kargamento. Basta’t kinailangan dapat mabilis ang areglo, lalo pa ngayong konting kembot na lang nariyan na ang Pasko.

Pagsapit naman ng Enero, may pahabol pa para sa bagong taon, bukod pa ang pakunswelong para sa Chinese New Year sa Pebrero, graduation ng mga anak sa Marso, outing pagtuntong ng Abril, enrollment ng mga anak sa Mayo, pambili ng gamit ng mga estudyanteng naka-enrol sa Hunyo, pati birthday ng pamilya, sagot ng hinuhuthutang kapitalista.

Yan ang alagang sobre!

169

Related posts

Leave a Comment